Sinabi ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson nitong Miyerkules na nakasaad sa draft report ng Senate Blue Ribbon Committee, ang pagrekomenda na kasuhan ng kriminal at administratibo ang tatlong senador, kasama ang ilang dating kongresista kaugnay ng umano’y maanomalyang paggamit sa pondo ng flood control projects.
Ayon kay Lacson, kabilang sa irerekomenda sa draft report ng komite na kasuhan ang mga senador na sina Joel Villanueva, Jinggoy Estrada, at Chiz Escudero, Kasama rin si dating Sen. Bong Revilla; at mga dating kongresista na sina Zaldy Co at Mitch Cajayon-Uy.
“‘Yun nga sinabi kong reality sa ground. We are recommending them to undergo preliminary investigation (PI), and they are already undergoing PI, so why would we go against what’s already happening?” ani Lacson.
Nadawit sina Villanueva, Estrada, at Revilla sa kontrobersiya dahil sa testimonya ng sinibak na dating Bulacan First District Engineer na si Henry Alcantara sa pagdinig ng komite noong Setyembre 2025.
Nahaharap si Villanueva sa reklamong malversation sa Department of Justice, habang magkahiwalay na reklamong plunder naman ang kinahaharap nina Estrada at Revilla.
Samantala, itinuro naman ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Roberto Bernardo si Escudero na sangkot din umano sa naturang katiwalian sa pondo.
Nauna nang itinanggi ng mga senador at mga dating mambabatas ang mga paratang laban sa kanila.
Nang tanungin tungkol kay dating House Speaker Martin Romualdez, sinabi ni Lacson na kabilang ito sa ibang kategorya dahil nakabatay ang rekomendasyon ng komite sa corroborative evidence.
Ayon pa kay Lacson, kinakailangan ng 11 lagda ng mga senador na kasapi ng komite ang draft report upang maging opisyal na ulat ng komite para maisalang sa deliberasyon sa plenaryo.
Kung hindi makukuha ang naturang boto, walang opisyal na report na mailalabas ang komite.
Kabilang sa mga pumirma na sa report sina Senador Risa Hontiveros, Bam Aquino, at Kiko Pangilinan, ayon kay Lacson.
Ayon kay Lacson, anim na senador ang unang pumirma sa draft report pero tatlo sa mga ito ang binawi ang kanilang pirma.
Nauna nang sinabi ni Senate President Vicente Sotto III na hindi pa opisyal na report ng komite ang draft report at nananatiling bukas sa diskusyon. -- Joahna Lei Casilao/FRJ GMA Integrated News

