Sugatan ang isang rider at kaniyang babaeng angkas matapos bumangga ang kanilang motorsiklo sa isang UV Express sa Commonwealth Avenue sa Quezon City madaling araw nitong Miyerkoles.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita, sinabing naganap ang insidente sa eastbound lane ng Commonwealth Avenue bandang 1:30 a.m.
Nakadapa ang lalaking rider sa kalsada, habang mahigit 20 metro ang layo sa kaniya ng babaeng angkas.
Ayon sa isa sa mga motorcycle rider na tumulong, pauwi na siya nang madaanan ang aksidente.
“Nakapikit na ‘yung babae na marami talagang iniinda eh. Pagkabuhat sa kaniya sir, doon na siya maraming iniindang sakit. Sa tingin ko maraming bali sa katawan ng babae. May sugat pa sa paa,” sabi ni Arcinnio Bagalanon, tumulong na motorcycle rider.
“‘Yung lalaki wala talagang malay sir, pero humihinga siya,” sabi pa ni Bagalanon.
Nasira ang harapang bahagi ng motor habang nabasag ang taillight ng UV Express.
Sinabi ng driver ng UV Express na may sakay siyang tatlong pasahero ng mga oras na iyon at papunta sila ng Fairview.
“Nagulat na lang ako bigla na lang may kumalabog sa likuran ko eh. Pagtingin ko sa harap ko, nakabulagta na riyan ‘yung dalawa eh,” sabi ng UV Express driver.
Hindi na nakunan ng kanilang panig ang dalawang sugatang sakay ng motorsiklo, na dinala sa ospital.
Dinala naman sa Traffic Sector 5 ang UV Express driver. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News
