Habang binabayo ng Super Bagyong “Uwan” ang Pilipinas, patuloy namang nadadagdagan ang bilang ng mga nasawi sa nagdaang bagyo na “Tino,” na matinding nagpabaha sa Cebu, at kalapit na mga lalawigan.
Sa update ng Office of Civil Defense (OCD) nitong Linggo ng umaga, iniulat na 224 na ang naitatalang nasawi dahil kay Tino sa mga sumusunod na lugar:
- Cebu - 158
- Negros Occidental - 27
- Negros Oriental - 20
- Caraga - 8
- Capiz - 3
- Leyte - 2
- Southern Leyte - 2
- Antique - 1
- Iloilo - 1
- Guimaras - 1
- Bohol - 1
Kabilang sa mga nasawi sa Cebu ang isang ginang sa Liloan na nalunod matapos bahain ang kanilang bahay. Nag-viral ang video na makikitang sinisikap ng mister na maisalba ang buhay ang kaniyang kabiyak sa buhay.
Samantala, mayroon pang 109 na tao ang nawawala sa mga lalawigan ng:
- Cebu- 57
- Negros Occidental- 42
- Negros Oriental- 10
Mayroong 526 katao naman ang naiulat na nasugatan, na mula ang 454 sa lalawigan ng Cebu, 41 mula sa Leyte, 28 mula sa Negros Occidental, dalawa mula sa Surigao del Norte, at isa ang mula sa Surigao del Sur, ayon sa OCD.
Una rito, ilang beses na tumama sa kalupaan si Tino sa Silago, Southern Leyte; Borbon, Cebu; at Sagay City, Negros Occidental noong November 4, at nanalasa rin sa Panay Island, at Palawan bago tuluyang lumabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) noong November 6. — Joviland Rita/FRJ GMA Integrated News10
