Arestado sa Rodriguez, Rizal ang isang lalaki matapos manghablot ng cellphone ng isang pasahero ng jeep noon pang 2023 sa Marikina City. Ang suspek, nagawa ang krimen para raw may panghanda sa kaarawan ng kaniyang anak.

Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing pinosasan at dinakip ng mga operatiba ang lalaki sa isang bakanteng lote sa Barangay San Isidro.

Nanghablot umano ang 30-anyos na akusado ng cellphone ng isang 33-anyos na biktimang nakasakay sa jeep sa Barangay Concepcion Uno, Marikina City noong Oktubre 2023, ayon sa pulisya.

“Habang lulan po siya ng pampasaherong jeep, ay mayroon pong isang lalaki din po na nagpanggap na pasahero. At du’n nga po, ay bigla niya pong hinablot 'yung cellphone po nitong babae na biktima at [pinagbantaan] niya rin po 'yung babae,” sabi ni Police Colonel Jenny Tecson, hepe ng Marikina City Police.

Nagawa namang makapagsumbong agad ng biktima sa mga nagpapatrolyang pulis sa lugar.

Nahuli ang lalaki at narekober ang ninakaw na cellphone na nagkakahalaga ng halos P8,000.

“Na-arrest po siya but he posted bail po. So nakalabas din po siya. Kaya lang po, hindi na po siya nag-attend ng mga hearing niya kung kaya nag-issue po 'yung ating korte ng warrant of arrest," sabi ni Tecson.

Dalawang taong nagtago ang akusado sa Marikina at Rodriguez, Rizal.

Umamin si alyas “Joey” sa pagnanakaw. Ayon sa akusado, unang beses niya itong ginawa nang mapilitan siyang magnakaw para may panghanda sa kaarawan ng kaniyang anak.

"Biglaan lang po ‘yun eh. Umi-stop lang po sa amin ‘yung jeep. Ayun na po ‘yun, hinablot po 'yung cellphone. Meron akong dalawang anak. So walang pera, nagawa ko po ‘yun. Pinagsisisihan ko na ngayon. Sana mapatawad niya po niya ako,” sabi niya. 

Nakadetene ang akusado sa custodial facility ng Marikina Police. — Jamil Santos/VBL GMA Integrated News