Humina pa ang piso sa ikalawang sunod na araw ng kalakalan nitong Miyerkules at nagtala ng panibagong record-low na pinaniniwalang dulot ng ingay sa politika at paglakas ng halaga ng dolyar ng Amerika.

Bumaba ng 18.5 sentimos ang piso na magsara sa P59.17: $1 — ang pinakamahinang performance piso sa kasaysayan — matapos na lampasan ang dating record-low na P59.13:$1 noong Oktubre 28, 2025. Nagsara ang piso sa P58.985:$1 nitong Martes.

“The US dollar/peso exchange rate went up slightly for the second straight trading day… the highest closing rate ever… after some political noise recently,” paliwanag ni Rizal Commercial Banking Corp. (RCBC) chief economist Michael Ricafort sa isang komentaryo.

Lumabas ito kasabay ng pahayag ng Malacañang na inaalam ng militar ang ulat ng umano’y planong destabilisasyon laban sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., matapos ang isang post ng beteranong mamamahayag na si Mon Tulfo, tungkol sa ilang personalidad na nasa likod ng masamang balak umano laban sa gobyerno.

Gayunman, naniniwala si Ricafort na maaaring lumakas na ang piso sa mga susunod na linggo pagsisimula ng paggastos para sa holiday season, at magpapalit ng piso ang ilang overseas Filipino at iba pang kumikita sa dolyar.

Sinabi naman ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na bagaman hinahayaan nito ang merkado na magtakda ng palitan, nananatili itong may matatag na reserba upang mapangasiwaan ang mga pagbabago.

“The Bangko Sentral ng Pilipinas allows the exchange rate to be determined by market forces,” naunang sabi ng BSP.

“We continue to maintain robust reserves. When we do participate in the market, it is largely to dampen inflationary swings in the exchange rate over time rather than prevent day-to-day volatility,” dagdag nito. — Jon Viktor D. Cabuenas/FRJ GMA Integrated News