Tatlo ang nasawi sa engkuwentro ng umano’y mga suspek sa sangkot sa ilegal na droga at mga operatiba mula sa PNP Drug Enforcement Group sa Cubao, Quezon City.

Sa ulat ni Glen Juego sa Super Radyo DZBB nitong Martes, sinabing kinumpirma ni Quezon City Police District chief Police Colonel Randy Glenn Silvio, ang nangyaring engkuwentro sa 13th Avenue sa Barangay Socorro.

Nauwi umano sa engkuwentro ang buy-bust operation nang manlaban ang mga suspek.

Sa hiwalay na ulat ng GMA News “24 Oras,” sinabing nagkalat ang mga basyo ng bala sa pinangyarihan ng engkuwentro nang magsagawa ng imbestigasyon ang mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO).

May nakitang carton na may laman umano na mas maliliit na mga pakete na nakabalot ng packing tape.

Isang paper bag din umano na buy bust money ang inimbentaryo ng mga awtoridad.

Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon sa naturang insidente. – FRJ GMA Integrated News