Umapela si Senate Deputy Majority Leader Risa Hontiveros sa mga awtoridad na dapat ibalik sa bansa si Cassandra Li Ong, ang dokumentadong kinatawan ng kontrobersyal na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) na Lucky South 99, matapos iulat ng mga awtoridad na nakalaya siya at huling namataan sa Japan.

"Hindi puwedeng walang pananagutan si Cassie Li Ong. Human trafficking ang kaso niya. Hindi ito minor traffic violation na puwedeng palampasin," giit ni Hontiveros nitong Sabado.

"Maliban sa Interpol red notice, dapat na ring kanselahin ng gobyerno ang passport ni Cassie Ong at iba pa niyang kasabwat. Hindi siya turista," dagdag ng senador.

Inihayag ito ng senador matapos sabihin ni Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) spokesperson Winston Casio na huli nilang na-monitor si Ong sa Japan. Una rito, napag-alaman na nakalaya ito mula sa Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong City.

"Our law enforcers should also be actively coordinating with their international counterparts," dagdag ni Hontiveros.

"Bring Cassie back to our country and make her face justice. Hindi siya dapat makalusot," giit niya.

May aktibong warrant of arrest si Ong na inisyu ng Pampanga Regional Trial Court (RTC) noong Mayo para sa qualified human trafficking kaugnay ng umano’y scam hub operations ng Lucky South 99.

Sinabi ni Senator Sherwin Gatchalian sa isang Senate panel na pinalaya na si Ong mula sa detensyon sa CIW at “at large” siya ngayon.

Noong Setyembre ng nakaraang taon, dalawang beses na-contempt ng House Quad Committee si Ong. Ang komote ang nagsisiyasat sa mga krimeng may kaugnayan sa POGO.

Makaraan ang isang linggo, noong Setyembre 26, inilipat siya sa CIW matapos aprubahan ng QuadCom ang mosyon na doon siya idetine.

Ipinaliwanag ni Casio na nakadetine si Ong "on the basis of a contempt order by the Quadcom." Pero nang matapos ang 19th Congress na may sakop ng contempt order, “she can longer be detained because the authority of the Congress which cited her in contempt is already over."

"So they are duty-bound to release her, otherwise, they could be charged with arbitrary detention or any other violation of Cassie Li Ong's rights… Because there was no arrest warrant yet at that time, it was sometime in December, when she was released by Quadcom," paliwanag ng pinuno ng PAOCC.

Noong Mayo, naglabas ang Pampanga RTC-Branch 118 ng warrants of arrest laban kay Ong at iba pa para sa qualified human trafficking kaugnay ng umano’y ilegal na aktibidad ng Lucky South 99.

Noong Hulyo, ibinasura ng Court of Appeals (CA) ang petisyon na inihain ni Ong laban sa Department of Justice (DOJ) resolution na nagsampa sa kaniya ng kaso para sa qualified human trafficking.— Ted Cordero/FRJ GMA Integrated News