Hulicam ang isang lalaking inakyat at pinasok ang apartment ng kanyang kapitbahay sa Pinagbuhatan, Pasig City upang nakawan ito.

Ayon sa ulat ni Bea Pinlas sa 24 Oras Weekend, nagbakasyon lang sa probinsiya ng tatlong araw ang mga biktima. Pagbalik nila, doon nila nalaman na ninakawan na pala sila.

"Pagbalik nila after three days ng bakasyon nila, doon nila na-discover yung gamit na nawawala," ani Pasig City Police Substation 5 chief Police Captain Joey Ibañez.

"Nung nag-follow up tayo, na-identify natin ang suspek na isa rin palang kapitbahay nila."

Kita sa CCTV ang pagpasok ng lalaki, na shorts lang ang suot, at ang pagkalikot nito ng mga gamit. Binuhat din niya palabas ang isang aparador. Ayon sa pulisya, pati flat-screen TV, tinangay. Halos P40,000 raw ang halaga ng mga gamit na ninakaw.

"Naka-lock ho yung pinto ng complainant natin, kaso nga lang, sinira niya yung pinto para makapasok siya sa bahay ng mga biktima natin," sabi ni Ibañez.

Patuloy na tinutugis ang suspek na sasampahan ng reklamong robbery. — BM GMA Integrated News