Lumaki sa Burias Island sa Masbate, nasanay na ang isang babae na kainin nang hilaw ang mga lamang-dagat na kaniyang nahuhuli. Ligtas naman kaya ang kaniyang ginagawa? Alamin.

Sa nakaraang episode ng “I-Juander,” ipinakilala si Gina Mae Abilong, na hindi  nawawala sa kanilang hapagkainan ang mga lamang-dagat.

“‘Yung tatay ko ‘yon ‘yung pangunahing hanapbuhay namin noong mga bata pa kami. Kaya nakasanayan na naming kumain ng mga hilaw na seafood,” sabi ni Gina Mae.

“Mas masarap na kainin ‘yung hilaw na seafoods. Mas malinamnam siya, mas matamis. Kaysa luto,” dagdag niya.

Ayon pa kay Gina Mae, kahit matagal na siyang kumakain ng hilaw, kahit minsan daw ay hindi siya nagkasakit.

“Minsan malansa. Pero kinakaya naman ng sikmura ko. Sanay na sanay na 'yung katawan ko kumain ng hilaw na mga seafoods,” sabi niya.

Gayunman, ipinaliwanag ng food safety expert na si Elsie Gatpayat na dapat mag-ingat sa pagkain ng mga hilaw na lamang-dagat.

“Siyempre meron tayong mga puwedeng makuha na mga intestinal parasite na galing mismo doon sa isda o puwedeng doon sa water, contaminants. Puwede rin tayong magkaroon ng mga infection from bacterial pathogens,” sabi ni Gatpayat.

Dagdag ni Gatpayat, dapat na maghinay-hinay lang at huwag sa sosobra sa pagkain ng hilaw na seafoods.

“Extra precaution po ang kailangan talaga dito to make sure to minimize the risk of foodborne illness sa kanilang mga customers,” anang food safety expert.—FRJ GMA Integrated News