Sa press conference nitong Lunes, hiningan ng pahayag ng Palace reporters si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. tungkol sa mga akusasyon laban sa kaniya at sa kaniyang pamilya, na ginawa ng kaniyang kapatid na si Senador Imee Marcos.
Ayon sa pangulo, ayaw niyang pag-usapan sana sa publiko ang tungkol sa kanilang pamilya.
''It's anathema to talk about family matters generally in public. I do not like... we do not like to show our dirty linen in public,'' paliwanag niya.
''So, I'll just say this much... For a while now, we've been very worried about my sister. When I say we, I'm talking about friends and family, and the reason that is is because the lady you see talking on TV is not my sister. That view is shared by our cousins, friends... hindi siya 'yan,'' dagdag ng pangulo.
BASAHIN: Imee: PBBM, gumagamit ng ilegal na droga; Palasyo sa akusasyon: ‘A desperate move’
Umaasa umano ang pangulo na magiging maayos ang kalagayan ng kaniyang kapatid sa lalong madaling panahon. Binanggit niyang nag-aalala na ang kanilang pamilya at mga kaibigan para sa senadora.
Nang tanungin ang pangulo kung may plano siyang kausapin si Imee, tugon niya, ''We don't really... We no longer travel in the same circles, political or otherwise so no.''
Sa Facebook page ni Imee, nag-post siya ng,''Bongbong, ako 'to. Kung ano-ano na nakikita mo, Ading.''
Hiniling niya sa pangulo na patunayan na mali ang kaniyang akusasyon.
''Patunayan mong mali ako. Gusto kong mali ako,'' saad niya sa post.
Sa isinagawang rally ng Iglesia Ni Cristo sa Quirino Grandstand noong November 17, inakusahan ni Imee ang kapatid niyang pangulo na gumagamit umano ng ilegal na droga.
Binanggit din ng senadora na gumagamit din ng ilegal na droga si First Lady Liza Araneta-Marcos at mga anak nito.
Hinamon din ni Imee ang First Family na sumailalim sa hair follicle drug test para malaman ang totoo.
Nauna nang itinanggi ng Palasyo ang alegasyon, at sinabing sumailalim na noon sa drug test ang pangulo bago ang presidential elections, at negatibo ang naging resulta.— Anna Felicia Bajo/FRJ GMA Integrated News

