Simula sa December 1, 2025, bawal nang bumiyahe ang e-bikes at e-trikes sa mga pangunahing lansangan, ayon sa Land Transportation Office (LTO).

Ayon kay Senador JV Ejercito, na sponsor ng 2026 budget ng Department of Transportation (DOTr) at mga ahensiyang nakapailalim dito, tiniyak umano ni LTO chief Markus Lacanilao, ang pag-ban sa e-bikes at e-trikes sa mga major roads.

Ang mga mahuhuling lalabag ay kukumpiskahin ang sasakyan o i-impound ang sasakyan.

"According to LTO and DOTr, automatic impound na kasi… dilemma po talaga eh. Minsan hindi talaga sila lisensyado, minsan nanay pa ang nagda-drive may mga kasamang mga anak na delikado, very light. So 'yun po ang sabi ng LTO, from now on talagang dapat ho 'pag nasa main thoroughfare, especially talagang automatic i-impound na po nila," sabi ni Ejercito sa Senate plenary debates ng budget nitong Huwebes.

Gayunman, sinabi ni Ejercito na hindi kaagad ipatutupad ang paghuli dahil kailangan pang magsagawa ng information drive ang LTO.

"According to our secretary, by December 1, mag-i-info drive muna sila, mag-iikot, just to inform, sasabihan po muna lahat na nakikita. So bibigyan muna nila ng tsansa malaman po lahat, information campaign, bago po sila manghuli. May warning po muna sila," dagdag ni Ejercito.

Bago nito, inihayag ni Senador Raffy Tulfo sa interpellation ang mga reklamong natanggap niya laban sa mga e-bikes na tila raw nagiging bagong hari ng lansangan.

Nilinaw ni Tulfo na hindi siya laban sa paggamit ng e-bikes na ginagamit ng ibang Pinoy sa kabuhayan pero nagiging dahilan umano ng disgrasya ang mga ito.

Batay sa tugon ni acting Transportation Secretary Giovanni Lopez, sinabi ni Ejercito na makikipag-ugnayan ang LTO sa Department of the Interior and Local Government (DILG) at local government units para tugunan ang problema.

Sinabi rin ni Ejercito na magsasagawa konsultasyon ang DOTr sa safety, registrability, at posibleng pag-obliga na dapat may lisensiya ang mga driver ng e-bikes.

"Main thoroughfares, bawal na po talaga sila. Siguro bibigyan natin ng leeway sa barangay o kaya sa mga subdivisions. Pero sa main thoroughfare ay talagang hindi na po sila papayagan," ani Ejercito. — Giselle Ombay/FRJ GMA Integrated News