Itinanggi ng Navotas City Police ang alegasyon ng dalawang suspek sa kasong pagpatay na pinahirapan sila ng mga pulis para aminin ang krimen. Giit ng mga awtoridad, matibay ang kanilang ebidensiya laban sa mga suspek gaya ng CCTV footage.
Sa ulat ni Jun Veneracion’s report in “24 Oras” nitong Huwebes, sinabi ni Navotas City Police chief Police Colonel Renante Pinuela, na walang kinalaman ang kaniyang mga tauhan sa sugat sa ulo na tinamo ng isa sa mga suspek.
“Alam naman natin sa jail natin masyadong masikip, minsan nagkakainitan, mga hindi magandang pangyayari, nagsisiga-sigaan,” anang opisyal
Suspek ang dalawa sa pangyaring pamamaril na ikinasawi ng dalawang biktima noong November 3.
Giit ng pulisya, matibay ang ebidensiya laban sa mga suspek, kabilang ang CCTV footage na nakuhanan bago at matapos ang krimen.
Ang isa sa mga suspek na si alias “Dave” na nadakip noong November 9, nagbigay ng extrajudicial confession sa harap ng isang abogado at aminin ang krimen. Itinuro rin niya ang mga mastermind.
Ayon kay “Dave,” dalawang barangay officials ang nagbayad sa kanila ng P30,000 para patayin ang dalawang biktima.
“Kaya gusto nilang palabasin na tinorture ng kapulisan natin, pinilit. Kasi once na ma-release at ma-dismiss na yung kaso, automatic mawawala na yung anggulo na may nag-utos eh,” ayon kay Pinuela.
Nang basahan ng sakdal si Dave noong November 11, sumailalim umano ito sa physical examination sa Navotas City Hospital, at walang nakitang sugat sa kaniyang katawan.
Sinabi ni “Dave” na pinagsuot siya ng mga pulis ng cap nang isagawa ang medical examination sa kaniya. Hindi rin umano kita sa video ang sugat niya sa ulo nang gawin niya ang extrajudicial confession.
“Sana po yung mga nag-torture sa akin managot din po sila. Kasi halos mamatay-matay na po ako sa ginawa nila,” giit ni “Dave.”
Isang abogado ang tumayong complainant para maisampa sa PNP Internal Affairs Service ang reklamo nina “Dave” laban sa mga pulis-Navotas.
“Haharapin na lang kasi trabaho lang ginawa namin. Nag-conduct lang kami ng investigation, yung procedure, para yung mga biktima mabigyan ng hustisya,” ayon sa imbestigador sa kaso na si P/SSG. Sammy LLanderal.
Tiniyak naman ng PNP Internal Affair Service na magiging patas ang gagawin nilang imbestigasyon. – FRJ GMA Integrated News
