Ibinalik ni Henry Alcantara, ang sinibak na Bulacan first district engineer na dawit umano sa flood control corruption scandal, ang halos P110 milyon sa kaban ng bayan, ayon kay Justice Acting Secretary Fredderick Vida nitong Biyernes.
"Ang cash turnover, ito po ay bahagi ng restitution," sabi ni Vida.
Naroon din ang mga kinatawan ng Bureau of Treasury at Land Bank of the Philippines para patunayan ang halaga.
Sinabi ni Vida na ito ang unang installment ni Alcantara para sa restitusyon matapos itong maglaan ng humigit-kumulang P300 milyon, na ilegal na nakuha mula sa mga maanomalyang flood control projects na nabanggit sa mga partikular na kaso.
“We have a panel evaluating. Medyo mathematics, simple lang po. Kapag sinabi niya, halimbawa, nag-deliver ako ng ganito ng total na P1 billion. At dito po sa deliver ko ng 1 billion pesos, meron po akong kinitang 2%. Kasama kasi sa mga salaysay niya,” sabi ni Vida.
“Inuuri namin ‘yung salaysay, kung makatotohanan o hindi, at doon po namin binabase yung restitution,” sabi niya.
Gayunpaman, sumang-ayon ang pinuno ng DOJ na dapat ibalik ni Alcantara ang halos P1 bilyon.
Walang blanket immunity
Kabilang ang restitusyon sa mga kondisyon para maikonsidera sa witness protection program (WPP) ng DOJ ang isang akusado sa katiwalian sa flood control fund.
Idiniin ni Vida na maabsuwelto lamang si Alcantara mula sa mga kriminal na pananagutan sa mga kasong may kinalaman sa mga pondong kaniyang ibinalik.
“Yung kaniyang discharge from criminal liability ay patungkol lang du’n sa katapat na halaga na ‘yun. Kasi hindi ho nagbibigay ang DOJ ng blanket immunity sa lahat ng iba pa,” sabi niya.
“Kaya ‘pag may nadiskubre po kami na siya ay sangkot pa sa ibang usapin, na kapag ibinangga namin sa aming datos. ‘Uy teka, nag-withhold ka pala sa amin ng information. Kasangkot ka pa rin pala dito.’ Hindi siya absuwelto sa pananagutan doon,” dagdag niya.
Bukod kay Alcantara, nasa ilalim din ng pansamantalang pagtanggap sa WPP ng DOJ ang dating Undersecretary ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na si Roberto Bernardo.
Sinabi ni Vida na nangako si Bernardo na ibabalik ang P7 milyon para sa restitusyon.
“‘Yung kay Engineer Bernardo. Noong una siya, sa memorandum of agreement, meron siyang mga bank accounts na in-assign niya sa DOJ. Ito ay higit sa P7 million sa bank accounts,” sabi ni Vida.
“These are frozen accounts, under process pa lang. Kasi may proseso rin sa [Anti-Money Laundering Council]. May proseso rin,” dagdag niya.— VDV/FRJ GMA Integrated News

