Nagbabalik sa piitan ang isang 51-anyos na lalaking kalalaya lamang matapos mahuli-cam ang pananalisi niya ng cellphone sa isang tindahan sa Marikina.

Sa ulat ni Bea Pinlac sa Balitanghali nitong Biyernes, mapanonood sa CCTV na mistulang namimili lang ang suspek sa isang tindahan.

Ngunit ilang saglit lang, nanalisi na ang lalaki habang abala ang tindera at tinangay ang isang cellphone na naiwan sa mesa bago niya ito binulsa.

Hindi ito ang unang pagkakataon na nanalisi ang suspek sa mga tindahan sa Marikina, ayon sa pulisya.

“Marami na po siyang mga naging biktima… Nililinlang niya muna ‘yung kaniyang magiging biktima, nagpapanggap siyang customer na may bibilhin. ‘Pag nakalingat ‘yung nagtitinda saka naman niya dudukutin ‘yung kanilang cellphone or kung ano mang bagay. Pero more on cellphone po ‘yung kaniyang kinukuha po,” sabi ni Police Colonel Jenny Tecson, hepe ng Marikina Police.

Nadakip ng mga nag-iikot na pulis ang suspek nitong Huwebes matapos niyang manalisi ulit sa isang photocopying service sa Barangay Concepcion Uno.

“Noong kukunin na sana ng victim ‘yung bond paper na bibilhin ng suspek ay kaniya pong sinunggaban ‘yung mismong hawak-hawak na cellphone ng ating biktima. At siya po ay agarang umalis,” sabi ni Tecson.

Nasa P6,000 ang halaga ng tinangay niyang cellphone. Lumabas sa imbestigasyon na dumarayo mula Antipolo ang suspek upang magnakaw.

Umamin ang suspek sa krimen.

“Nadala lang po ng kahirapan kaya nagawa ko ‘yung pagsalisi na ‘yan. Pasensiya na po kayo kung nagawa ko ‘yun dahil kalalaya ko lang ho. Ang tagal ko sa kulungan, wala po akong maayos na trabaho. ‘Pag nakalaya ako hindi na po mauulit itong aking gawain at pipilitin ko nang magbago para sa pamilya ko,” sabi ng suspek.

Nahaharap siya sa patong-patong na reklamong theft.

Nagpaalala ang kapulisan sa publiko na mas maging alerto lalo ngayong Ber months.—Jamil Santos/LDF GMA Integrated News