Nasawi ang isang 39-anyos na babae sa Aloguinsan, Cebu matapos siyang tagain ng kaniyang kapitbahay habang kinukunan ng biktima ng larawan ang mga bahay sa lugar para maidokumento ang gagawing paghingi ng tulong matapos silang salantahin ng bagyo.
Sa ulat ni Alan Domingo sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Miyerkoles, sinabing nangyari ang krimen nitong February 4, 2026 sa Purok 3, sa Barangay Punay.
Base sa imbestigasyon ng pulisya, kinukunan ng biktima ng larawan ang mga bahay sa lugar para idokumento para sa pagproseso ng tulong sa mga biktima ng bagyong Tino.
Ilang saglit pa, dumating ang suspek at tinanong kung nasaan ang kaniyang ina. Pero nang sumagot ang biktima na hindi niya, inundayan na siya ng taga ng suspek.
Hindi tumakas ang suspek pero hindi rin siya kaagad sumuko nang dumating ang mga awtoridad.
Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na may record ang suspek ng problema sa pag-iisip at isang drug surrenderee. – FRJ GMA Integrated News
