Isang babae ang malubha ang kondisyon matapos bumangga sa gate ng ospital ang sinasakyan niyang SUV sa Sampaloc, Maynila.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood sa isang video ang pagharurot ng SUV sa may Lacson-Dapitan Intersection pasado 2:30 a.m.
Sa isang kuha ng CCTV, doon na nakunan na biglang sumalpok ang SUV sa gate ng isang ospital. Agad namang naglapitan ang mga tao sa sasakyan.
Nasira ang unahang bahagi ng SUV at pumutok din ang airbag nito.
Batay pa sa kuha ng video, isang delivery rider ang makikitang buhat-buhat na ang isa sa mga babaeng sakay ng SUV. Agad niya itong dinala sa ospital dahil natataranta pa ang mga kasama nito.
“Kinuha ko siya, wala nang dalawang isip. Tinakbo ko na siya roon. Wala silang pakialam kasi sa sobrang taranta po,” sabi ni Macoy Legarda, ang lalaking nagsugod sa biktima.
Nakausap pa ni Legarda noong una ang biktima bago ito nawalan ng malay sa ospital.
Ayon sa barangay, malubha ang kondisyon ng babaeng biktima samantalang malayo na sa peligro ang apat pang sakay ng SUV, kabilang ang driver.
“Malubha pong nasaktan at ito po’y walang malay,” sabi ni Emanuel Zamora, SK chairman ng Barangay 470.
Sa kabutihang palad, walang tao na naglalakad noon sa bangketa na posibleng madamay sa aksidente.
Batay sa salaysay ng driver ng SUV sa barangay, may tao na nakaharang sa intersection. Ngunit taliwas dito ang natuklasan ng barangay.
“Noon amin pong ni-review sa aming CCTV, siya po ay wala pong kasabay. Nasobrahan po siya sa pagliko. Ayon naman po sa driver, medyo wala pa po siya sa tamang ulirat kasi po, medyo nakainom nga po. Nabigla rin po siya sa aksidente,” sabi ni Zamora.
Isinugod sa Traffic Enforcement Unit ng Manila Police District ang driver ng SUV para sa imbestigasyon. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News
