Tinutugis ang isang lalaki matapos siyang mahuli-cam na nagputol at nagnakaw ng mga kawad ng kuryente sa Barangay 162, Caloocan. Ang suspek, nahuli-cam pa na nag-snatch ng cellphone.

Sa ulat ni Bea Pinlac sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood ang kasuwal lamang na paglalakad ng lalaki, na nagmasid at nagpaikot-ikot pa ng ilang minuto sa lugar noong Miyerkoles ng umaga.

Muli siyang nakunan ng CCTV na naglalakad paalis at tila may sinusuksok sa kaniyang bag.

Nagputol at nagnakaw na pala siya ng nasa limampung metro ng kable ng kuryente.

“Nagulat kami, akala namin brownout so lumabas ako. Upon checking ko ‘yung wire roon putol. May seniors kami roon na hindi puwedeng mainitan tapos may mga bata rin na kailangan ng mga kuryente para sa online classes nila,” sabi ng isang apektadong residente.

Halos siyam na oras umanong nagtiis ang mga residente na walang kuryente at gumastos pa ng nasa P10,000 para mapaayos ito.

Sinabi ng barangay na dalawang beses nang nagnakaw ng kable ng kuryente ang suspek nitong linggo.

Nawalan ng kuryente ang nasa pitong pamilya umano sa magkahiwalay na insidente.

“May record na po talaga siya ng pagnanakaw. ‘Yung kable lang po talaga ng mga wire, ng mga kuryente po ang talagang kinuha niya,” sabi ni Irene Cajucom, Barangay 162 Desk Officer.

Tinutugis na ng mga awtoridad ang suspek. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News