Sinaksak at napatay ng isang lalaki ang dating nobyo ng kaniyang kasintahan sa Pasig City. Ang biktima, nais daw kasing mabawi ang babae mula sa suspek.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkoles, makikita sa CCTV footage na naglalakad ang biktima sa Ortigas Avenue, nang biglang sumulpot ang suspek at sinaksak sa leeg ang biktima.
Humandusay sa gilid ng daan ang biktima at nasawi, habang tumakas naman ang suspek.
Ayon sa pulisya, love triangle ang ugat sa krimen, dahil nais umano ng biktima na mabawi ang dati niyang nobya, na karelasyon ngayon ng suspek.
“Pinag-aagawan yung kanilang girlfriend. So dating girlfriend ito ng biktima, ngayon napunta sa suspek. Ang gustong gawin ng biktima, mapunta ulit sa kaniya. Kaya itong suspek natin ay sinaksak itong biktima,” ayon kay Pasig Police Investigation Chief Police Major Loreto Tigno.
Sa tulong ng babae, naaresto ang suspek, na ayon sa pulisya ay sangkot din sa mga kaso ng pagnanakaw.
Sasampahan ng kasong murder ang suspek na sinisikap pang makuhanan ng pahayag.—FRJ GMA Integrated News
