Ibinahagi ni Ellen Adarna na nakatanggap siya ng artwork na may titulong “Malaya,” na itinuturing niyang isang senyales matapos makipaghiwalay kay Derek Ramsay.

Sa kaniyang Instagram Stories nitong Huwebes, ibinahagi ni Ellen ang larawan ng artwork mula sa artist na si Lynyrd Paras, at inilahad ang kahulugan nito.

"During the beginning of my whole separation, I kept asking the universe for signs just to know if I was doing the right thing," panimula niya.

Ayon kay Ellen, bigla na lamang siyang pinadalahan ng mensahe ng artist na nagsasabing may ipadadala itong regalo sa kaniya.

“Then this arrived," sabi ni Ellen, at itinuro ang artwork ng isang babae na may nakasulat na magkakahalong letra ng salitang "Malaya".

Napaiyak siya pagkatanggap nito, sabi ni Ellen. "That was the sign. Malaya,"

Sa kaniyang post, pinasalamatan at binanggit ni Ellen ang 2018 CCP 13 Artists Awardee. "Grabe, we all cried, pati mga yaya ko, lahat kami nangilabot," saad niya.

Ginulat ni Ellen ang lahat noong Nobyembre nang ibunyag niya ang pagtataksil umano ng kaniyang asawang si Derek Ramsay.

Sa kaniyang pagsisiwalat, sinabi ni Ellen na hindi na sila magkasama, na nananatili siya sa bahay nito habang nire-renovate ang kaniyang bahay, at humingi siya ng tulong sa lokal na pamahalaan para pansamantalang makaalis doon.

Pagsapit ng huling bahagi ng Nobyembre, nakapag-impake na si Ellen ng humigit-kumulang 12 maleta, na handa nang umalis sa bahay ni Derek Ramsay.

Ilang buwan nang paksa ang mag-asawa ng mga tsismis tungkol sa paghihiwalay, ngunit itinanggi ni Derek na naghiwalay sila noong Setyembre.

Ikinasal sila noong Nobyembre 2021 at isinilang ang kanilang anak na si Liana noong Oktubre 2024.—FRJ GMA Integrated News