Nadiskubre sa bubungan ng isang bahay sa General Trias, Cavite ang kahon na may laman na hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng mahigit P5 milyon.
Sa ulat ng GMA News 24 Oras nitong Huwebes, sinabi hepe ng pulisya sa lugar, na
aabot umano sa sampung pakete ng hinihinalang shabu ang nasa loob ng nakuhang kahon sa bubungan.
Ayon sa may-ari ng bahay, may narinig siyang kalabog mula sa bubungan kaya nagpasya siyang akyatin ito.
May nakita umano siya na isang babae na nagtatago pero nagmadaling umalis nang makita siya.
Doon na rin niya natagpuan ang kahon na may laman na hinihinalang ilegal na droga.
Kinalaunan, nalaman na may isinasagawa palang drug bust operation sa katabi nilang bahay.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa insidente. – FRJ GMA Integrated News
