Nilinaw ni Ahtisa Manalo na hindi niya tinanggihan ang titulong Miss Universe Asia 2025 dahil hindi naman ito inalok sa kaniya.

“It was not offered to me in the first place,” sabi ni Ahtisa sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Miyerkoles.

Dagdag ng Miss Universe 2025 3rd runner-up na kung alukin man sa kaniya ito, tatanggihan din niya.

“Nag-assume pa nga ako. Even before in-offer sa 'kin, sabi ko kay Mama J [Jonas Gaffud], ‘Ma, ‘pag nag offer sila, 'wag na natin tanggapin,’” sabi niya.

“Pero in-assume ko lang, hindi naman in-offer talaga. So I don’t know where the rumor started that it was officially offered to me,” sabi pa ni Ahtisa na mula sa Quezon.

Umuwi sa bansa ang beauty queen noong huling bahagi ng Nobyembre matapos ang kaniyang Miss Universe 2025 stint na ginanap sa Bangkok.

Noong Martes, nagkaroon siya ng homecoming parade kung saan mainit siyang sinalubong ng kaniyang mga kababayan at mga tagahanga.

Nagtapos si Ahtisa bilang 3rd runner-up sa Miss Universe 2025, na naghuhudyat ng pagtatapos ng kaniyang pageantry journey matapos ang 18 taon.

Nakuha ni Fatima Bosch ng Mexico ang korona. – FRJ GMA Integrated News