Arestado ang isang babae dahil sa pamemeke umano ng screenshot ng mga resibo ng mga ino-order niya online gamit ang artificial intelligence o AI sa Batangas.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News 24 Oras nitong Huwebes, makikita sa isang surveillance photo ng National Bureau of Investigation - Batangas ang pagkikipag-usap ng kanilang undercover agent sa babae na tatanggap ng mga produkto na inorder niya online.

Nang matanggap na ng suspek ang mga produkto, dito na siya dinakip ng iba pang ahente.

Sinabi ng NBI na bago nito, isang negosyante ang nagreklamo laban sa inarestong babae.

Umorder umano ang babae ng kabuuang halaga na P33,000 na mga alak at pagkain sa restaurant ng complainant, at ipinakitang bayad na ito sa pamamagitan ng e-wallet, kahit hindi pa.

“Umorder siya ng imported na alak. Nagtaka siya dahil puwede namang umorder sa grocery, bakit sa restaurant pa? So nag-check siya ng transaction history, napag-alaman niya na wala palang actual payment,” sabi ni Agent Terrence Agustin, Executive Officer ng NBI Batangas.

High-tech ang modus ng suspek para mapaniwala ang restaurant, dahil gumagamit siya ng actual screenshot ng transaction umano ng pagbayad na peke pala.

“Gumagamit sila ng technology gaya ng AI or Artificial Intelligence to make the receipts look more convincing. Gumagamit sila ng e-platform. So gumagamit sila ng screenshot ng receipt of payment na sa totoo wala palang ganoon. Fake,” sabi ni Agustin.

Dumiskarte rin ang suspek sa oras ng pag-order para hindi mapansin ang modus.

“Umo-order sila usually at peak hours para hindi halata, ang pattern nila is Friday, Saturday, Sunday, ‘yung maraming tao para hindi mahalata ‘yung order nila,” dagdag ni Agustin.

Nahaharap sa reklamong estafa at paglabag sa sa Cybercrime Prevention Act ang suspek na wala pa rin pahayag at kasalukuyang nakabilanggo sa Batangas City.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News