Inihayag ng transport group na MANIBELA na magsasagawa sila ng tatlong araw na nationwide tigil-pasada simula sa December 9 hanggang 11. Ang protesta, para umano sa labis na mahal na penalties at mabagal na pagproseso ng gobyerno sa mga dokumento.
“Sa susunod na linggo, kami ay magkakasa ng tatlong araw na tigil-pasada,” deklara ni MANIBELA chairperson Mar Valbuena sa press conference nitong Huwebes.
“Hindi lamang po ang grupo ng MANIBELA ang magkakasama rito. Nationwide po ito. Tatlong araw na tigil pasada sa ngayon — Martes, Miyerkules, at Huwebes,” dagdag niya.
Sinabi ni Valbuena na posible pang palawigin ng MANIBELA ang kanilang tigil-pasada.
Ipinahayag ng MANIBELA ang kanilang pangamba na patuloy na hinihingan ng mga awtoridad ng provisional authority ang mga driver at operator ng mga hindi pa naka-consolidate na public utility vehicles (PUV).
“Alam naman ninyo na hindi consolidated itong grupo. Tatanungin niyo pa ng mga provisional authority at kung ano-ano,” ani Valbuena.
Sinimulan noong 2017, layunin ng Public Transport Modernization Program (PTMP) na palitan ang mga lumang jeepney ng mga sasakyang may hindi bababa sa Euro 4-compliant na makina upang mabawasan ang polusyon. Layunin din nitong palitan ang mga unit na hindi na itinuturing na roadworthy
Ang isang modernong unit ng jeepney ay nagkakahalaga ng mahigit P2 milyon, na itinuturing maging ang mga state-run bank na LandBank at Development Bank of the Philippines na masyadong mataas para sa mga PUV driver at operator.
Ang konsolidasyon ng mga indibidwal na prangkisa ng PUV sa mga kooperatiba o korporasyon ang unang yugto ng programa.
Tinuligsa rin ng Manibela ang umano’y mga pagkaantala sa pagpaparehistro ng mga kaugnay na sasakyan.
Humingi ng pahayag ang GMA News Online mula sa Land Transportation Office (LTO) hinggil sa usapin ngunit wala pa itong ibinibigay na sagot sa oras ng pagpo-post nito. — Joviland Rita/FRJ GMA Integrated News

