Ipinahayag ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. nitong Miyerkoles na kinansela na ang pasaporte ni dating Ako Bicol party-list representative Zaldy Co na nasasangkot sa iskandalo ng katiwalian sa flood control projects.

"Maibabalita ko po sa inyo na ang passport po ni Zaldy Co ay kanselado na," sabi ni Marcos sa isang video message.

Si Co, na pumunta sa ibang bansa upang magpagamot, ay hindi pa nakababalik sa Pilipinas sa gitna ng patuloy na imbestigasyon sa mga insertion sa budget at mga proyekto sa flood control. Iginigiit niyang siya’y inosente laban sa mga paratang na ibinabato laban sa kanya.

Sinabi ng Pangulo na inatasan na niya ang Department of Foreign Affairs (DFA) at ang Philippine National Police (PNP) na makipag-ugnayan sa mga embahada ng Pilipinas para mahanap ang dating kongresista.

''Kaya in-instruction-an ko na ang Department of Foreign Affairs, pati ang PNP, na makipag-ugnayan sa ating mga embassies sa iba't ibang bansa para tiyakin na hindi maaaring magtago itong ating hinahabol na magtago doon sa kanilang bansa,'' sabi ni Marcos.

''At kung sakali man na siya ay pupunta roon, ay ire-report sa atin para naman maibalik natin siya dito sa Pilipinas," dagdag pa ng Pangulo.

Paghahanap kay Zaldy

Noong Setyembre, sinabi ng House of Representatives na lumipad patungong Estados Unidos si Co para sa medikal na pagpapagamot.

Nakita sa mga talaan ng US Customs and Border Protection na dumating si Co sa New York noong Agosto 26 at umalis noong Setyembre 13.

Nito ring buwan, sinabi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na pinaniniwalaang nasa Portugal si Co. Sinabi ni DILG Secretary Jonvic Remulla na pinaghihinalaang may hawak na Portuguese passport si Co na "acquired so many years ago."

Bukod sa US at Portugal, nauna nang sinabi ni Remulla na kabilang din ang Europa, Singapore, Spain, at Japan sa mga pinuntahan ni Co.

Noong Nobyembre 21, inanunsyo ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na may inilabas nang warrant of arrest laban kay Co at 15 iba pang mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH), at mga direktor ng Sunwest Corp. kaugnay ng kontrobersiya sa mga flood control projects.

Ito ay matapos magsampa ang Ombudsman sa Sandiganbayan ng mga kasong katiwalian at malversation of public funds laban kina Co at iba pa noong Nobyembre 18 kaugnay ng umano'y maanomalyang P289-milyong proyektong flood control sa Naujan, Oriental Mindoro.

Discaya

Samantala, sinabi rin ni Marcos na nasa ilalim na ng kustodiya ng National Bureau of Investigation (NBI) ang kontratistang si Sarah Discaya matapos siyang magpakita noong Martes sa punong tanggapan ng NBI sa Pasay City.

“Kaugnay naman kay Sarah Discaya, sumuko naman siya kahapon sa NBI at nasa kustodiya na siya ng NBI. Hinihintay ang pormal na paglabas ng kanyang warrant of arrest,” sabi ni Marcos.

Nasasangkot sa kontrobersiya si Sarah at ang kaniyang asawang si Pacifico matapos madawit ang kanilang mga construction company sa umano'y mga anomalya sa mga flood control project.

Pagmamay-ari nila ang Alpha and Omega General Contractor and Development Corporation, isa sa 15 kompanyang pinangalanan ni Marcos na nakakuha ng 20% ng mga proyektong pangkontrol ng baha sa bansa.

‘Satisfied’

Samantala, sinabi ni Marcos na natutuwa siya sa proseso ng imbestigasyon at pag-uusig kaugnay ng mga anomalya sa flood control projects.

“Kaya nakikita po natin, maganda naman ang takbo ng proseso at ‘yung ating mga hinihinalang kasama dito sa ganitong klaseng sindikato ay haharap sa hustisya,” sabi niya.

Tiniyak din ni Marcos na magpapatuloy ang imbestigasyon at pagsasampa ng mga kaso laban sa ilang indibidwal kaugnay ng mga anomalya sa pagkontrol ng baha.

“Asahan po ninyo na patuloy pa rin ang ating imbestigasyon, patuloy pa rin ang ating pagpila ng mga kaso upang tiyakin na ang mga guilty dito sa ganitong klaseng iskandalo ay haharap sa batas, at bukod diyan ay maibalik ang ninakaw na pera sa taong-bayan,” dagdag niya.—Jamil Santos/AOL GMA Integrated News