Nagsampa ng reklamong kriminal at administratibo ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Office of the Ombudsman laban sa 14 na barangay officials sa Iloilo City dahil sa pagbawas umano sa perang ayuda sa ilang residente nito na benepisaryo ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS).

Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian na nanguna sa pagsasampa ng reklamo nitong Huwebes laban sa mga barangay officials mula sa Jaro at Arevalo na sub-district sa Iloilo City, tinakot umano ng mga ito ang mga benepisaryo ng AICS na dapat sanang makatanggap ng tig-P10,000.

BASAHIN: Pagkaltas umano ng brgy. officials sa P10k ayudang pera sa ilang residente sa Jaro, Iloilo City, iimbestigahan ng DSWD

Pero sinabihan umano ang mga benepisasryo na ibigay ang P8,000 hanggang P9,000 bilang tulong sa barangay officials. Kapalit nito na mananatili silang kasama sa listahan bilang benepisaryo ng naturang ayuda.

"We are talking about payouts in November 7, 11 and 12 in 16 barangays in Iloilo City involving 14 officials whom we are filing a complaint against today. Sila 'yung supposedly pagkatapos ng payout, pag-uwi ng mga beneficiaries kinoerce nila 'yung mga benepisyaro na kunin 'yung porsyento ng payout [ng mga barangay officials]. Ang gagawin nila [na mga barangay officials], sasabihin nila, o sige, 'pag hindi ka nagbigay, wala ka na matatanggap. Wala ka na matatanggap habang buhay," ayon kay Gatchalian.

"May 14 tayong complainants. Sa P10,000 na ibinigay sa kanilang tulong pinansyal, pilit [nilang mga barangay officials] kunin 'yung P8,000 hanggang P9,000. Very consistent 'yung stories at 'yung mga individual, hindi sila magkakakilala dahil galing sila sa labing-anim na barangay at 'yung kuwento nila pare-parehas," dagdag ng kalihim.

Sinabi ni Gatchalian na mahaharap sa reklamong grave misconduct at graft, ang mga opisyal na kinabibilangan ng kapitan, ilang kagawad, treasurer, at ilang itinalagang opisyal sa mga barangay.

"Sa kuwento rin nila, matagal na nangyayari, nu'ng COVID-19 time pa. Pero ngayon, nagkaroon ng massive na complaint kasi dati, ang kinakaltas sa kanila, maliit lang na porsyento. Kung 10,000, mayorya nu'n, naiiwan sa kanila," patuloy ni Gatchalian.

Kabilang sa mga nabiktimang benepisaryo ng umano’y ginawa ng mga opisyal ng barangay ay mga nangangailangan ng medical at burial assistance.

"Pero ngayon, binaliktad, pinilit kunin 'yung mas malaking porsiyento sa kanila. That's around P8,000 to P9,000. Ang natitira na lang sa kanila, halos 2,000 or 1,000. Nakakalungkot isipin. Ang tulong ng DSWD, dapat diretso sa bulsa ng mga nangangailangan. Wala dapat nakikialam diyan. Pero nare-victimize 'yung mga victims," ayon kay Gatchalian.

Hinikayat ng kalihim ang iba pang nabiktima ng katulad na modus ng mga opisyal na barangay na magsumbong. Tiniyak niyang aaksyunan ito ng DSWD.

"Our logo is a big heart, but part of taking care of our people is making sure that they're protected from these types of abuses. Ang panawagan namin, one, huwag kayo magbigay [ng porsyento sa barangay officials]. At, i-report niyo sa amin, and we will take it seriously," ayon sa kalihim. — Llanesca T. Panti/FRJ GMA Integrated News