Iniutos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagsuspinde sa pagpapatupad ng dagdag-singil sa pamasahe sa mga pampublikong transportasyon sa harap ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Ayon sa pangulo, hindi ito ang tamang panahon para magtaas ng pamasahe sa mga pampublikong sasakyan habang nagpapatuloy ang kaguluhan sa Middle East.

''Kaya't inutos ko sa DOTr na suspendihin muna ang fare hike at  i-defer muna natin 'yan. I-postpone muna natin 'yan dahil nasa gitna ngayon tayo nitong sitwasyon na ito na kailangan ay patuloy ang ating pag-alalay sa ating mga commuter, sa lahat ng mga ating manggagawa, estudyante lahat ng gumagamit ng ating transport system,'' pahayag ni Marcos sa video message niya ngayong Miyerkules.

Ginawa ni Marcos ang anunsyo isang araw matapos ihayag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pag-apruba sa dagdag-singil sa pamasahe na mula P1 hanggang P40 sa lahat ng pampublikong sasakyan, maliban sa regular na taxi at motorcycle taxi.

Nakatakda sanang ipatupad ang pagtaas sa singil sa pamasahe sa Huwebes, Marso 19, 2026.

Sa isang pahayag, sinabi ng DOTr na susunod ito sa utos ni Marcos na ipagpaliban ang dagdag-singil sa pamasahe sa mga pampublikong transportasyon.

“Ipatutupad ng Department of Transportation ang direktiba ng Pangulo na ipagpaliban muna ang dagdag-pasahe sa mga pampublikong sasakyan habang nagpapatuloy ang pagtaas ng presyo ng langis bunsod ng nagpapatuloy na gulo sa Middle East,” ayon sa kagawaran.

Tiniyak din ng Pangulo sa mga tsuper at manggagawa sa transportasyon na magbibigay ang pamahalaan ng mas maraming tulong at suporta upang maibsan ang kanilang pasanin sa gitna ng kasalukuyang krisis.

''Huwag pong mag-alala ang ating mga transport workers dahil mamadaliin po namin, dadagdagan po namin ang suporta sa inyo para naman ay hindi kayo masyadong mahirapan,'' ayon kay Marcos.

Sinabi ng DOTr na pinapabilis na nito ang pamamahagi ng fuel subsidies para sa mga kuwalipikadong tsuper at operator.

Dagdag pa ng kagawaran, naghahanda rin ito ng mga programang tutulong sa sektor ng PUV at sa mga commuter, gaya ng “libreng sakay.”

Libreng sakay fare discount

Ayon kay Marcos, inutusan na niya ang DOTr na magpatupad ng libreng sakay para sa mga commuter sa buong bansa. Dagdag pa niya, magbibigay rin ng diskuwento sa pamasahe ang MRT at LRT, at magkakaroon din ng diskwento sa toll fees.

''Ang DOTr ay inutusan ko na simulan na ang libreng sakay sa buong Pilipinas at puwede po ninyong gamitin na muna ‘yan para pangbawas sa gastos sa pang-araw-araw,'' ani Marcos.

''At sa MRT at saka LRT ay magdidiskwento po tayo doon sa pamasahe. Bukod pa doon, sa mga toll road ay mayroon din tayong inutos na diskwento para mas maliit na ngayon ang bayad ng taong-bayan sa paggamit ng mga toll road,'' dagdag niya.

Samantala, sinabi ng DOTr na nakikipag-usap na si Transportation Secretary Giovanni Lopez sa mga operator ng toll upang mapalawig ang posibleng diskwento sa toll.

“Patuloy pong kumikilos ang DOTr at lahat ng attached agencies nito para matiyak na agad na maibibigay ang lahat ng posibleng ayuda at suporta sa mga komyuter, tsuper at transport operators,”ayon kay Lopez.

Nalito

Samantala, sinabi ni Senador Imee Marcos na nakakalito ang anunsyo ng kaniyang kapatid.

“Nakakalito. Nakita naman natin sa kalsada, halos walang tao kasi akala may fare hike. Biglang inatras na naman. Ano ba talaga? Wala ba kayong [group chat]? Nakakalito,” sabi ng senadora sa ambush interview.

Binigyang-diin naman ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang kahalagahan ng fuel subsidy para sa mga tsuper ng PUVs.

“Subsidy for the transport industry would be best to offset their setback,” sabi ni Sotto. — Anna Felicia Bajo/Ted Cordero/Giselle Ombay/FRJ GMA Integrated News