Arestado ang isang 21-anyos na lalaki dahil sa makailang ulit na panggagahasa umano sa kaniyang menor de edad na half-sister sa Cavite.

Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing dinakip ang lalaki sa Barangay San Isidro, Cainta noong Sabado. 

Sinabi ng pulisya, half-sister o kapatid sa ina ng akusado ang 12-anyos noong biktima.

Naganap ang panggagahasa umano sa  bahay ng biktima sa Cavite.

“Laging naiiwang mag-isa 'yung bata sa kanilang bahay. Kaya nagkaroon ng opportunity 'yung ating akusado para gawin 'yung panghahalay sa menor de edad na bata. Ito ay sometimes December 2023, naulit ito ng January 2024, April 2024 and May 2024,” sabi ni Police Lieutenant Michael Polisto, chief intel ng Cainta Police.

Kalaunan, nagsumbong ang menor de edad sa kaniyang ama, na siya namang nagbigay-alam sa mga awtoridad.

“Ang akusado natin ay nagtago na noong mga oras na ‘yun na nagawa niya 'yung mga krimen, at dito nga siya naglagi sa Cainta,” sabi ni Polisto.

Pebrero 27 ngayong taon inilabas ng korte ang arrest warrant laban sa akusado na si alyas “Zed.”

Depensa ng akusado, hindi siya nagtago, at sa korte na lang siya magpapaliwanag.

“Hindi ko po masasagot po ‘yan. Sa korte na lang po ako magsasabi po,” sabi ng akusado, na sinampahan ng limang bilang na qualified rape of a minor at nakakulong sa Cainta Police Custodial Facility. —Jamil Santos at EJ Gomez/AOL GMA Integrated News