Kumakaway para sa government workers ang mahabang bakasyon na tatagal ng isang buong linggo simula sa December 27, 2025 (Sabado) hanggang Enero 4, 2026 (Linggo).
Nitong Huwebes, inanunsyo ng Malacañang na suspendido ang pasok ng mga kawani sa gobyerno sa December 29, 2025 (Lunes) at January 2, 2026 (Biyernes) sa holiday season.
Deklarado nang pista-opisyal o holiday ang Dec. 30 (Martes, Rizal day), Dec. 21 (Miyerkules, New Year’s eve), at Jan. 1 (Huwebes, New Year). Pumatak naman ng Sabado ang Dec. 27, at Linggo ang Dec. 28. Ganundin ang Jan. 3 (Sabado), at Jan. 4 (Linggo).
Nakasaad sa Memorandum Circular No. 111 na ipinatupad suspensiyon sa trabaho sa gobyerno upang mabigyan ang mga kawani ng pamahalaan ng pagkakataon na ipagdiwang ang mga aktibidad sa Araw ng Bagong Taon, at upang makabiyahe sila papunta at pabalik sa iba’t ibang rehiyon ng bansa.
Nakasaad din sa kautusan na dapat namang manatiling operational ang mga ahensiya ng pamahalaan na may kinalaman sa paghahatid ng basic, vital, at health services, at preparedness and response duties.
Samantala, nasa pagpapasya ng kani-kanilang mga pinuno kung sususpindehin din ang trabaho sa mga pribadong kumpanya at tanggapan.— Anna Felicia Bajo/FRJ GMA Integrated News

