Ganap nang inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ngayong Huwebes ng gabi si Sarah Discaya, kaugnay ng P96.5-milyon na umano’y ghost flood control project sa Davao Occidental. Nangyari ito ilang oras matapos ianunsyo ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr., na may inilabas nang arrest warrant ang korte laban kay Discaya at ilan pang personalidad.
Isinilbi ng NBI ang arrest warrant kay Discaya na nasa kanilang kustodiya na noong nakaraang linggo matapos itong kusang sumuko dahil sa naunang impormasyon na may lalabas nang arrest warrant laban sa kaniya.
Ayon kay Marcos, nahaharap si Discaya at iba pa niyang kapuwa akusado sa kasong graft at malversation of public funds, na non-bailable case, o walang piyansa para sa pansamantalang kalayaan habang dinidinig ang kaso.
"Ipapaabot ko po sa inyo na ang PhP96.5 million na ghost flood project sa Davao Occidental, naglabas na ng warrant of arrest ang korte laban sa sampung pangunahing sangkot dito sa anomalyang ito," sabi ng pangulo.
"Ang mga akusado ay nahaharap sa kasong graft at malversation. Ito pong mga kasong ito, hindi po bailable ito. Hindi puwedeng bayaran ang kanilang… para sila’y makalabas sa kulungan," dagdag pa niya.
"Kabilang na po rito si Sarah Discaya na sa kasalukuyan ay nasa kustodiya ng NBI. Bukod dito may walong opisyal pa ng DPWH ang nagpahayag ng kagustuhan nilang sumuko," ayon pa sa pangulo.
In early December, the Office of the Ombudsman charged Discaya and others over a P96.5-million ghost flood control project in Davao Occidental.
Nagsampa ang Office of the Ombudsman ng malversation at corruption charges sa Digos Regional Trial Court laban sa mga kontratista ng proyekto na sina Discaya at Maria Roma Angeline Rimando ng St. Timothy Construction, at mga opisyal ng Department of Public Works and Highways-Davao Occidental na sina:
- Rodrigo Larete
- Michael Awa
- Joel Lumogdang
- Harold John Villaver
- Jafael Faunillian
- Josephine Valdez
- Ranulfo Flores and
- Czar Ryan Ubungen
Nauna nang sinabi ng kampo ni Discaya na ang pagsuko ng kanilang kliyente ay hindi pag-amin sa inaakusang kasalanan pero isang “strategic legal move.”
Nitong Miyerkoles, sinabi ng Korte Suprema na inilipat sa Lapu-Lapu City regional trial court ang dalawang kaso laban kay Sarah Discaya at sa mga DPWH-Davao Occidental engineer.
Ipinaliwanag ni SC spokesperson Atty. Camille Ting, na ang paglilipat ay pagsunod patakaran na ang mga corruption-related cases mula sa infrastructure projects ay dapat dinggin sa anti-graft court na pinakamalapit na judicial region.
“The determination of the nearest judicial region shall be made by the presiding or executive judge concerned,” dagdag ni Ting.
Nauna nang nagtakda ang SC ng ilang regional trial courts na hahawak sa mga anti-graft case. – FRJ GMA Integrated News

