Karamihan sa mga adult na Pilipino ang umaasang magiging masaya ang pagdiriwang nila ng Pasko. Batay iyan sa resulta ng Social Weather Stations (SWS) survey, na inilabas nitong Miyerkules.

Ayon sa naturang survey, 68% ng mga tinanong ang umaasang magiging masaya ang kanilang Pasko. Mas mataas ito ng tatlong puntos kumpara sa 65% na naitala noong 2024.

Gayunman, mas mababa ang naturang bilang ng limang puntos kumpara sa 73% na naitala noong 2023 at 2022.

Ayon sa SWS, pinakamarami ang umaasang magiging masaya ang Pasko sa Mindanao na may 76%, sinundan ng Visayas na may 73%, Balance Luzon na may 64%, at Metro Manila na may 64%.

Samantala, 7% naman ang nakikitang magiging malungkot ang kanilang Pasko, na mas mababa sa 10% na naitala noong nakaraang taon. Habang 25% ang neutral o walang partikular na inaasahan tungkol dito.

Ipinakita rin sa resulta ng survey na 45% ng mga respondent ang nagsabi na pinaka-ipinagpapasalamat nila ang mabuti nilang kalusugan, 29% ang pamilya, at 28% ang pananatiling buhay. Tinanong ang mga respondent kung ano pinaka-nagpapasalamat sila sa kanilang buhay, at pinayagan silang magbigay ng hanggang dalawang sagot.

Ayon sa survey, 13% ng mga respondent ay mula sa Metro Manila, 45% ang mula sa Balance Luzon (o Luzon sa labas ng Metro Manila), 19% mula sa Visayas, at 23% mula sa Mindanao.

Samantala, 11% sa kanila ang may edad 18 hanggang 24, 20%  ang nasa edad 25 hanggang 35, 20% ang 35 hanggang 44, 16% ang edad 45 hanggang 54, at 33%  ang edad 55 pataas.

Isinagawa ang survey ng mula Nobyembre 24 hanggang 30 sa pamamagitan ng harapang panayam sa 1,200 adult na Pilipino sa buong bansa.

Mayroon itong sampling error margins na ±3% para sa national percentage at ±6% naman sa bawat isa para sa Balance Luzon, Metro Manila, Visayas, at Mindanao. — Joahna Lei Casilao/FRJ GMA Integrated News