Nahaharap sa reklamong panggagahasa ang isang pulis sa Maynila. Hinala ng biktima, may inilagay sa kaniyang inumin ang suspek habang nasa isang bar sila kaya siya nahilo at nadala sa isang motel habang walang malay. Giit naman ng kampo ng suspek, may unawaan ang dalawa.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing lumapit ang 27-anyos na biktima sa Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) matapos ang nangyaring panggagahasa sa kaniya ng pulis na isang patrolman.

Sa CCTV footage, makikita ang suspek na pasan ang walang malay na biktima sa isang motel sa Sampaloc, Maynila dakong 6 a.m. noong December 4, 2025.

Tinulungan naman ng isang staff sa motel ang pulis para mabuhat at madala sa loob ng kuwarto ang babae.

"Nung nagising ako nakadiin siya sa kamay ko. Parang nagkaroon ako ng pasa dito. Pinipilit kong lumaban pero hindi ako makalaban kasi nanghihinga ako ng oras na yun," ayon sa biktima.

Nang magkaroon ng pagkakataon, kaagad na lumabas ng motel ang biktima kahit nakararamdam pa umano siya ng hilo. Ang suspek, nakasunod sa kaniya.

"Nung mga oras na yun natakot ako. Iniisip ko kung mag-hysterical ako at magwawala ako, puwedeng may gawin siyang masama sa akin. Puwede niyang iputok ang baril. Pero ang sinasabi niya sa akin ‘wag ka muna umalis at ma-usap muna tayo," patuloy ng biktima.

Ngunit bago ang CCTV footage sa motel, nakuhanan din ng video sa CCTV camera ang biktima na walang malay na inilabas ng isang bar sa Tomas Morato sa Quezon City habang nakaupo sa wheel chair. Isinakay siya sa kotse ng suspek at isa pang pulis ang umaalay para maipasok siya sa sasakyan.

Hinala ng biktima, may inihalo ang suspek sa kaniyang inumin habang nasa bar siya kaya nawalan siya ng malay. Nagpunta raw sila ng kaibigan sa bar dahil sa imbitasyon ng isang pulis.

"Nung time na huling CR ko, may naiwan akong baso na may laman. Nung huling inumin ko yun medyo okay pa ako pero after ilang minutes, nag-iba na ang pakiramdam ko at totally nag-blackout na ako. Wala na akong maaala," kuwento niya.

"Kaibigan namin siya ilang taon na kaya tiwala ako. Kababata namin siya, kumpare siya ng asawa ko. Anong ginawa mo sa akin? Binaboy mo ko. Ginahasa mo ako," giit ng biktima.

Sa resulta ng medico-legal, lumitaw na positibong nagalaw ang biktima. Gayunman, iginiit ng abogado ng suspek na may ugnayan ang pulis at ang biktima.

"Hindi totoo ang mga alegasyon. Isusumite namin ang mga larawan. May mutual understanding silang dalawa," saad ni Atty. Jocelyn Gabriel.

Ayon sa Manila Police District, hindi nila kukunsintihin ang insidente at bibigyan ng mabilis na resolusyon ang kasong administratibong isinampa laban sa kanilang tauhan.

Bakod pa ‘yan sa kasong kriminal na isinampa ng pulisya laban sa suspek. – FRJ GMA Integrated News