Kinokonsidera ng Department of the Interior and Local Government ang pag-aalok ng P10 milyong pabuya para sa impormasyong hahantong sa pagkaka-aresto kay Atong Ang, na nahaharap sa mga warrant of arrest kaugnay ng kaso ng mga nawawalang sabungero.
Sinabi ni DILG Secretary Jonvic Remulla na plano ng mga opisyal na pormal na ianunsyo ang pabuya Huwebes ng hapon para pilitin si Ang na sumuko sa mga awtoridad.
“Mamaya may meeting kami at magbibigay na kami ng reward at mag-a-announce kami mamayang hapon para mabigyan ng pressure talaga na i-turn over na siya sa amin,” sabi ni Remulla sa isang panayam sa Dobol B TV.
“Siguro P10 million puwede na iyon,” dagdag pa niya.
Ayon kay Remulla, nasa Pilipinas pa rin si Ang batay sa pagmamanman ng ahensiya. Tinitingnan ng mga awtoridad ang Luzon area.
“Nandito pa siya kasi noong sabi nga ng abogado noong the day before ay kasama niya pa. Pumipirma ng mga papel bago lumabas 'yung mga warrant of arrest a few hours later. So ang tracking namin nandito pa rin siya,” sabi pa niya.
Itinuturing ni Remulla si Ang bilang "armed and dangerous," dahil sa mga alegasyon laban sa akusado na sangkot siya sa pagpatay sa mahigit 100 tao, pati na rin sa marami nitong bodyguard.
Sinabi ni Remulla na handa ang mga awtoridad kung sakaling manlaban si Ang habang inaaresto.
“We consider him armed and dangerous. Sabi ng abogado niya iresponsible daw ang pagsasabi ko noon. Paano ang trato mo sa pumatay ng lagpas isang daan tao, na inutos ang pagpapatay ng lagpas isang daan tao, na ang bodyguard niya ay lagpas dalawampu, kada minuto kung sa kahit saan siya pumunta?” sabi niya.
“'Di ba armed and dangerous 'yung ganu’n? Kaya kami, lahat ng eventuality pinaghahandaan namin na kung lalaban siya, hindi namin papalagpasin,” dagdag pa ni Remulla.
Huwebes ng umaga, sinabi ng Philippine National Police na pinaigting nito ang pagbabantay sa mga paliparan at daungan sa buong bansa para maiwasan ang posibleng pag-alis ni Ang.
Iniutos ni acting chief Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr. ang mas mahigpit na koordinasyon sa mga awtoridad ng imigrasyon bilang bahagi ng manhunt laban kay Ang.
“The most logical option for him is to surrender because the PNP is determined to comply with the arrest warrant issued by the court. If he is indeed innocent as he has been claiming, the more that he should be encouraged to surrender to face the accusations against him,” sabi ni Nartatez.
Kabilang si Ang sa 18 akusado na nahaharap sa warrant of arrest kaugnay ng pagkawala ng mga sabungero. Nahaharap siya sa 15 count ng kidnapping at serious illegal detention at apat na count ng kidnapping with homicide, ayon sa PNP.
Ang iba pang 17 akusado ay nasa kustodiya na ng pulisya.
Nauna nang hiniling ng abogado ni Ang na si Gabriel Villareal na bigyan siya ng oras para suriin ang mga akusasyon laban sa kaniyang kliyente. —VBL GMA Integrated News

