Nasawi ang rider at kaniyang mag-ina na angkas niya nang bumangga ang sinasakyan nilang motorsiklo sa isang truck sa Jimalalud, Negros Oriental.
Sa ulat ng GMA Regional TV sa GTV News Balitanghali nitong Lunes, inihayag ng pulisya na mabilis umano ang takbo ng motorsiklo na minamaneho ng padre de pamilya.
Napunta umano sa kabilang linya ng kalsada ang motorsiklo at bumangga sa kasalubong na truck.
Sa lakas ng pagbangga, tumama at lumusot ang ulo ng rider sa nabasag na windshield ng truck.
Kaagad na nasawi ang rider habang pumanaw sa ospital ang kaniyang misis at anak nila na apat na taong gulang na babae.
Sugatan naman sa insidente ang driver ng truck na sumuko sa mga awtoridad.
Sugatan din ang pahinante ng truck, at patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nangyaring insidente.—FRJ GMA Integrated News
