Sa kulungan ang bagsak ng isang 24-anyos na lalaki matapos niyang tangayin ang isang nakaparadang motorsiklo sa Barangay Ramon Magsaysay, Quezon City.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes, mapanonood sa CCTV ang nakaparadang motorsiklo sa labas ng isang kainan, nang isang lalaki ang lumapit.

Ilang saglit lang, itinulak na niya ang motorsiklo, na hindi pala niya pag-aari.

Natuklasan kalaunan ng may-ari na nanakaw ang kaniyang motorsiklo, kaya siya dumulog sa pulisya.

“Napansin kasi ng tauhan niya na nawawala na 'yung motor. Pero before mawala 'yung motor, mayroon nang umaaligid-aligid na kahina-hinalang tao roon sa establishment nila. Doon sa CCTV and doon sa rogues gallery natin nakita natin 'yung pagkakakilanlan ng suspek po natin,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Dave Anthony Capurcos, Commander ng Project 6 Police Station.

Nadakip sa follow-up operasyon ng pulisya ang suspek, na mistulang naging mailap at nagpalipat-lipat ng lugar, gaya ng Caloocan at Quezon City.

Nabawi ang ninakaw niyang motorsiklo na iniwan niya sa bahagi ng Barangay San Bartolome sa Novaliches, kung saan siya gumawa umano ng isa pang krimen.

“Doon din natin nalaman na may ninakaw din siyang helmet at nahuli rin siya, hinold siya ng guwardiya, tinakasan niya 'yung guwardiya,” sabi ni Capurcos.

Nakabilanggo na sa Project 6 Police Station ang suspek, na umamin sa nagawang krimen.

“Wala naman akong balak ibenta ‘yun. Gagamitin ko lang para mabilis akong makapunta,” sabi ng suspek.

Batay sa record ng pulisya, dati nang nabilanggo ang suspek dahil sa pagsusugal at magkahiwalay na insidente ng pagnanakaw sa Quezon City at Makati City.

Mahaharap naman ang suspek sa reklamong paglabag sa new anti-carnapping law. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News