Sa kulungan ang bagsak ng isang 51-anyos na lalaki dahil sa panghihipo umano sa pitong-taong-gulang na babaeng kapitbahay niya sa Marikina.
Sa ulat ni Bea Pinlac sa GMA News Unang Balita nitong Biyernes, sinabing nangyari ang krimen halos dalawang taon na ang nakararaan.
“‘Yung ating menor de edad, batang babae, Grade 2 student po ay naglalakad noon sa labas ng kanilang bahay noong in-approach siya ng isang lalaki. 'Yun nga po ang ating akusado. At after po, hinipuan po siya... at pagkatapos po noon ay bigla po siyang binigyan ng P25,” sabi ni Police Colonel Jenny Tecson, Chief ng Marikina City Police.
Hindi na pumalag pa ang suspek nang arestuhin ng pulisya sa bisa ng warrant of arrest.
Sinabi ng akusado na inakala niyang nagkasundo na sila ng kaanak ng biktima na hindi na paabutin sa korte ang kaniyang ginawa.
“Nakipag-usap po kami. Ewan ko po, nanay ko po ang nakipag-usap eh. Hindi po namin alam na iniakyat na pala sa taas. Tapos nagulat na lang kami sa bahay, may warrant na,” sabi ng suspek.
Ayon pa sa suspek, malapit ang pamilya ng biktima sa kaniya.
“Kasi po ‘yung mga batang iyon, binibigyan ko ng baon ‘yun papasok sa eskuwela. Tapos ‘pag nasa labas ‘yun nagkukuwentuhan kami. Sa bata, humihingi ako ng pasensiya. Sana ay mapatawad niya ako,” sabi ng suspek.
Sisikapin ng GMA Integrated News na kunan ng pahayag ang pamilya ng biktima.
Nahaharap sa kasong acts of lasciviousness ang akusado, na hawak na ng Marikina City Police.
“Tama rin po ‘yung ginawa po ng bata na nu’ng pagkatapos po nu’n, nagsabi po agad siya sa kaniyang magulang na may nangyari sa kaniya. So huwag po tayong matakot, We should always come out in the open and help those who are victims,” sabi ni Tecson. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
