Sapul sa CCTV camera ang maaksyong habulan ng isang rider at kawatan na tumangay umano ng kaniyang mga helmet sa kalsada sa Barangay North Fairview, Quezon City.
Sa ulat ni James Agustin sa GTV News Balitanghali nitong Martes, mapanonood sa CCTV footage ang ilang lalaki na sakay ng kolong-kolong at hinahabol ng isang motorcycle rider.
Dalawang lalaki sa kolong-kolong ang bigla na lamang tumalon, kumaripas ng takbo pero naabutan sila ng rider.
Maya-maya pa, isang lalaking nakaputing t-shirt ang nabundol ng rider at pareho silang tumilapon.
Hanggang sa dumating na ang mga rumespondeng pulis mula sa Fairview Police Station.
Bago ang maaksyong habulan, mapanonood ang lalaki na nakaputing t-shirt na naglalakad sa Rand Street na may nakasabit na isang helmet sa kaniyang kaliwang braso.
Sinabi ng pulisya na ninakawan ng lalaki ang mga helmet ng rider, na bumibili noon ng pagkain sa isang fast food restaurant.
"Nang siya ay lumabas ay napansin niya na nawawala ang kaniyang dalawang helmet. So ang ginawa niya ay pumunta siya agad sa barangay para makapag-view ng CCTV. At 'yan nga, nakita niya ang isang lalaki na palakad-lakad na dala ang dalawang helmet,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Roldante Sarmiento, Commander ng Fairview Police Station.
“Itong kapatid ng biktima ay humingi ng tulong sa ating mobile na nagpa-patrolya sa area. Ngayon, kanilang pinuntahan at biglang humarurot 'yung kulong-kulong at nagkaroon ng konting habulan," sabi ni Sarmiento.
Inabutan ng biktima ang mga suspek, at kasamang naaresto ang dalawa pang kasamahan ng kawatan.
Lumabas sa imbestigasyon na miyembro umano ng Salisi Gang ang tatlo na dayo lang sa lugar.
“Ito nga'y gawain nila, 'yung pananalisi at pagnanakaw ng helmet sa kanilang biktima. At ayun din sa ating imbestigasyon na isa sa ating mga suspek ay talamak na magnanakaw ng motorsiklo somewhere in Bulacan," ani Sarmiento.
Ang isa sa mga suspek, umaming kinuha niya ang mga helmet para ibenta.
“Para lang po makauwi lang po ako ng probinsya. Panggastos lang," sabi ng isa sa mga suspek.
Itinanggi naman ng dalawa niyang kasama na may kinalaman sila sa krimen.
“Hindi ako kasabwat doon. Hindi pa ako kasama roon. Napasama lang ako roon sa kulong-kulong kasi ibibenta nga 'yung isang motor,” sabi ng pangalawang suspek.
“Inosente ako sa nangyari. Kaya lang naman ako napunta sa lugar na ‘yun dahil gusto ko lang din magka-extra money kasi 'yung sabi magbebenta lang kami ng kalakal sa junk shop, motor," sabi ng ikatlong suspek.
Patuloy na inaalam ng pulisya kung nakaw din ang motorsiklo na nakakarga sa kolong-kolong.
Sinampahan ang mga kawatan ng reklamong theft. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
