Inihayag ni Kris Aquino ang plano niyang gumawa ng video podcast, at sinabing nami-miss na niyang mag-interview.
Sa kaniyang Instagram, ibinahagi ng Queen of All Media ang ilang larawan at video mula Enero 24 at 25. Kasama sa mga larawan ang kaniyang anak na si Bimby nang dumalo sa isang prusisyon sa simbahan, at nandoon din ang fashion designer na si Michael Leyva.
May ipinakita rin siya tungkol sa pinagdaanan niyang medical procedure at patuloy na pagpapagaling.
"This 'carousel' of photos and videos happened January 24 6:30-10 p.m.; January 25 from 4p.m. to 6:45 p.m.. I said yes to have my PortaCath re-done,” sabi ni Kris, na nagpasalamat sa kaniyang mga doktor na patuloy na nag-aalaga at nangangasiwa sa kaniyang kalusugan.
Pinagnilayan din ng aktres at TV personality ang pagiging pribado ng kaniyang ina noong sumailalim sa mga medical procedure, at sinabing Enero 25 ang anibersaryo ng kapanganakan ng kaniyang ina na si dating Pangulong Cory Aquino.
"My mom never publicly shared with you all the excruciating operations and procedures she endured, and the difficult choices she made. She protected her privacy,” sabi ni Kris.
Gaya ng kaniyang ina, sinabi ni Kris na bagama’t nagbabahagi siya ng kaniyang mga larawan at video, hindi niya inihahayag ang mga detalye ng medical information.
“I’m now choosing to post pictures/videos but not give detailed medical info. Kapag gumaling ako, that’s when I should share what I wrote in my journals, the many witnessed holographic instructions should anything happen, and my many playlists,” patuloy niya.
Inihayag din ni Kris ang kaniyang pasasalamat sa mga kaibigan at personalidad sa publiko na bumisita sa kaniya, kabilang na si Senador Robin Padilla, at celebrites na sina Erich Gonzales at RB Chanco, pati na rin sa pagbuhos ng mga panalangin at pagmamalasakit na patuloy niyang natatanggap.
“Thank you for your prayers and concern. Please change #fighting to #brave. Thank God for all of you. You don’t need to know how much I suffer, you need to see that I'll continue praying and believing that I will reach remission,” sabi niya.
Sa pagtatapos ng kaniyang post, nagbiro si Kris sa kaniyang fans tungkol sa isang video podcast na plano niyang ilabas.
“With the correct safety protocols, puwede akong mag taped as a live video podcast,” ani Kris.
“I miss doing interviews! Will you watch & subscribe? Like this post if you want my podcast to start soon with a partial home tour? My birthday gift to you,” sabi pa niya.
Sumailalim si Kris kamakailan lamang sa isang maliit na PICC line procedure, kung saan isang manipis na tubo ang inilagay sa ugat ng kaniyang braso na dumaan sa isang malaking ugat malapit sa puso para sa pangmatagalang IV treatment.
Noong Abril 2025, inihayag ni Kris na nakikipaglaban siya sa siyam na autoimmune diseases.
-- Jade Veronique Yap/Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News

