Inilipat na si dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. sa “general population” ng New Quezon City Jail Male Dormitory, isang linggo matapos siya dalhin doon.
Ayon sa Bureau of Jail Management and Penology, anim na persons deprived of liberty (PDLs) na hindi konektado sa kasong may kinalaman sa flood control project anomalies sa Bulacan, ang makakasama ni Revilla sa selda.
Isang linggong isinailalim sa medical quarantine si Revilla, pati na ang apat sa anim na kapuwa akusado niya sa kaso. Kasama ito sa proseso ng mga bagong dinalang PDL sa pasilidad.
Nahaharap sina Revilla sa kasong graft at malversation kaugnay sa P92.8-million ghost flood-control project umano sa Pandi, Bulacan.
“Una po nilipat na po silang lima yung dinala sa atin matapos ang kanilang quarantine per our BJMP policy at sila ay nilagay sa general population sa isang ordinaryong selda, kasama ang ibang PDL,” sabi ni Jail Superintendent Jayrex Bustinera, BJMP spokesperson sa GMA Integrated News.
“Ito po yung mga walang kinalaman dito at mga ordinary PDL lang din po na low risk lang din, base sa security assessment, medical assessment at iba-iba pang factors katulad ng legal factors,” dagdag ni Bustinera.
Kapuwa-akusado ni Revilla sa kaso sina dating district assistant engineers Brice Hernandez at Jaypee Mendoza, na isinama rin sa ibang low-risk PDLs na walang kinalaman sa kanilang kaso.
Ayon sa BJMP, pitong akusado sa P289-million substandard flood control project umano sa Naujan, Oriental Mindoro ang nakadetine rin sa pasilidad.
“Naghihigpit tayo hindi dahil sa VIP treatment kundi dahil sa nature ng case, high profile at kailangan din walang mangyari o sinisiguro natin walang mangyari sa lahat habang nasa custody ng BJMP.” Paliwanag ni Bustinera.
Mananatiling nakadetine si Revilla at iba pang akusado habang dinidinig ng korte ang kanilang mga kaso sa Sandiganbayan. – Mariz Umali/FRJ GMA Integrated News

