Patay na nang matagpuan sa Bulacan ang isang policewoman mula sa Taguig City, ayon sa Southern Police District (SPD). Ang walong-taong-gulang na anak ng biktima, nawawala.
Ayon sa SPD, nakita ang bangkay ng 38-anyos na biktima na si Police Senior Master Sergeant Diane Marie Mollenido sa isang creek sa Pulilan-Baliuag Bypass Road sa Barangay Dulong Malabon sa Pulilan, Bulacan noong Enero 24.
“Noong may post na po noong January 24 yung Pulilan na may found dead body. Tapos pinost nila na meron siyang markings. May post sila ng tattoo. Doon po na-identify,” sabi ni SPD public information office chief Police Lieutenant Margaret Panaga sa GMA News Online ngayong Miyerkoles.
Ayon pa kay Panaga, positibong kinilala ng pamilya ang bangkay ng pulis, na nakatalaga sa police unit na nasa ilalim ng National Capital Region Police Office (NCRPO).
Huli umanong nakitang buhay si Mollenido noong Enero 16, at iniulat na nawawala ng kaniyang asawa na pulis din noong Enero 19.
Sa paunang imbestigasyon, sinabi ni Panaga na kasama ni Diane ang anak na umalis para tagpuin sa Quezon City ang isang ahente kaugnay sa ibinentang sasakyan.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang motibo sa krimen, at wala pa silang tinutukoy na suspek habang inaalam pa kung sino ang mga huling nakasama ng biktima.
“We earnestly pray that justice will be served, that the truth surrounding what transpired will be fully uncovered, and that righteousness will prevail,” pahayag ng Police Outreach Ministry. — Joviland Rita/FRJ GMA Integrated News

