Pinaigting ng ilang paliparan sa Asya ang kanilang surveillance at health checks matapos maitala ang outbreak ng Nipah virus sa ilang lugar sa India.
Sa ulat ng late night news ng Saksi nitong Martes, sinabing ipinatupad ng Thailand sa ilan nitong paliparan ang mga katulad na hakbang na ginamit noong magkaroon ng COVID-19 pandemic.
Kabilang sa mga ginagawa ngayon sa Thailand ang health surveillance at travel checks sa mga bumibiyahe mula sa West Bengal, India, na may limang kaso ng Nipah virus infection.
ALAMIN: Ano ang Nipah Virus?
Nagpatupad din ang Nepal at Taiwan ng mas mahigpit na mga panuntunan para maiwasan ang pagpasok ng Nipah virus sa kanilang teritoryo.
Samantala, inihayag ng Pilipinas na handa na ito para sa Nipah virus at iba pang mga sakit, ayon sa Department of Health nitong Miyerkoles.
Pinagmulan mga sintomas
Ang fruit bats ang pinanggagalingan ng Nipah virus infection, na maaaring maipasa sa mga tao at iba pang mga hayop.
Kabilang sa mga sintomas ng Nipah virus infection ang lagnat, sakit ng ulo, pananakit ng katawan, pagsusuka, at pananakit ng lalamunan.
Ang impeksyon ay maaari ring humantong sa mga komplikasyon gaya ng matinding problema sa paghinga at encephalitis o pamamaga ng tisyu ng utak.
Sinabi ng World Health Organization na wala pang natutuklasang bakuna para labanan ang Nipah virus.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
