Inihayag ng Malacañang na hindi kailangang maglabas ng medical bulletin tungkol sa lagay ng kalusugan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na natuklasan kamakailan na may diverticulitis, isang kondisyon na may kinalaman sa malaking bituka.
Sa press briefing ngayong Miyerkoles, sinabi ni Press Officer Undersecretary Claire Castro na bumubuti ang lagay ng kalusugan ni Marcos.
"Sa ating pagkakaalam kapag naglabas ng medical bulletin dapat serious illness. Kung sinabi ng Pangulo na hindi ito life-threatening, bakit kakailanganin ngayon and medical bulletin samantalang kami ay nagpo-provide sa inyo ng kalagayan ng kalusugan ng Pangulo?" sabi ni Castro.
"Mas reliable po siguro na ang Pangulo ang nagsasabi ng kaniyang nararamdaman... Katawan naman nya po yun," dagdag ni Castro.
Hindi dinaluhan ni Marcos ang ilang pampublikong aktibidad matapos siyang isailalim sa medical observation noong nakaraang linggo dahil sa diverticulitis.
Kabilang dito ang idinaos na Pagpupugay 2025: Parangal sa mga Lingkod sa Malacañang kamakailan, at si Executive Secretary Ralph Recto ang kumatawan sa kaniya.
Ngunit dinaluhan naman ng pangulo ang oath-taking ceremony ni General Jose Melencio Nartatez Jr. na opisyal na pag-upo niya bilang bagong pinuno ng PNP.
Kasabay ng pagtanggi sa ilang impormasyon sa social media na malubha umano ang lagay ni Marcos, hinikayat ni Castro ang publiko na tanging mga impormasyon na mula sa Palasyo at mismong sa pangulo ang paniwalaan.
"Ang sabi nga ni ES Ralph Recto, pinapa-relax muna ang Pangulo. Pero ang sabi natin, um-attend sya ngayon, nagkakaroon sya ng private meetings, so umiigi ang kalusugan ng Pangulo," anang opisyal.
Nitong nakaraang linggo, naglabas ng video message si Marcos at tiniyak sa publiko na maayos ang kanilang lagay, at hindi life-threatening ang kondisyon ng kaniyang kalusugan. — Sunday Locus/FRJ GMA Integrated News

