Idineklara ng House Committee on Justice ngayong Lunes na sufficient in form o nasa tamang ayos o porma ang dalawang reklamong impeachment complaint na isinampa laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. 

Sa botohan sa unang reklamo, 46 na kongresista ang sang-ayon na sapat ito sa porma, isa ang tumutol, at isa ang hindi nakibahagi sa botohan.

Sa ikalawang reklamo, 35 boto ang nakuha nito para ideklarang sufficient in form, 9 ang kumontra, at isang ang hindi nakibahagi sa botohan.

Inihain ng abogadong si Andre De Jesus ang isang reklamo na inaakusahan si Marcos ng pagtataksil sa tiwala ng publiko at paglabag sa Saligang Batas, at iba pa, dahil umano sa pag-utos at pagpapahintulot sa “pagdukot at pagsuko” kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC).

Kasama rin sa reklamo ang paratang na gumagamit ng ilegal na droga ang pangulo na nakaaapekto umano sa desisyon at pamumuno niya.

Binanggit din sa reklamo ang kabiguan umano ni Marcos na i-veto ang mga unprogrammed appropriations at iba pang probisyon sa labag sa Konstitusyon sa mga pambansang budget noong 2023, 2024, 2025, at 2026; at iba pa.

Inihain naman ng grupong Makabayan ang isa pang reklamo na nag-aakusa kay Marcos na nagkasala umano ng pagtataksil sa tiwala ng publiko kaugnay ng paggamit ng Baselined-Balanced-Managed (BBM) Parametric Formula, o sa paglalaan ng mga proyektong pang-imprastruktura na nagresulta umano sa mga “ghost,” substandard, at overpriced na flood management projects, bukod sa iba pa.

Ang isang reklamo na itinuturing sapat sa porma ay dapat nakabatay sa personal na kaalaman at/o ng authentic documents.

“The verification must be correctly written in such a way that it is based on personal knowledge and authentic records. And of course, the same has to be under oath as well, with the signature of the notary public. The same has to be accompanied by a resolution of endorsement, and we have seen that it was signed by Pusong Pinoy party-list Rep. Jett Nisay for the de Jesus complaint, and by Representatives Antonio Tinio (of ACT Teachers party-list), Sarah Elago (of Gabriela party-list) and Renee Co of Kabataan party-list  for the Liza Maza et al complaint,” sabi ni House justice panel chairperson Gerville Luistro ng Batangas.

“Both complaints were declared sufficient in form. For tomorrow, we will be moving to the determination of sufficiency in substance. And this means that the recital of facts must constitute the offense determinative of the jurisdiction of the Committee on Justice,” dagdag ni Luistro.

Gayunman, sinabi ni Luistro na nagsisimula pa lamang ang landas na tatahakin para sa naturang mga nagreklamo laban sa pangulo.

“The determination of form and substance are preliminary procedure. It should not go beyond what is written in the impeachment complaint. When it comes to sufficiency in substance, the recital of facts as contained in the complaint should constitute the offense, which is the ground for impeachment,”ani  Luistro.

Samantala, sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro, sa hiwalay na briefing, na iginagalang ng Malacañang ang mga nagaganap sa impeachment proceedings sa Kamara laban sa Pangulo.

''That's the process, we have to respect that,'' ani Castro said.

Nang tanungin kung kumpiyansa ang Malacañang na hindi magiging sapat sa nilalaman ang mga reklamo, iginiit ni Castro na alam ng Pangulo na wala siyang nagawang anumang kasalanang maituturing na impeachable.

''Even before sinabi na po ng Pangulo na alam niya na wala siyang ginawang mali, wala siyang ginawang paglabag sa batas, at wala siyang ginawang impeachable offense. Kaya kumpiyansa siya sa sarili niya,'' paliwanag ni Castro.— Llanesca T. Panti/FRJ GMA Integrated News