Nagtamo ng mga sugat ang driver at pahinante matapos bumangga ang kanilang dump truck sa concrete barrier at poste ng kuryente sa eastbound lane ng Commonwealth Avenue sa Quezon City.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes, sinabing inabutan ng rescuers ang driver at pahinante na mga nakaupo at sugatan bandang 1 a.m., matapos bumangga ang dump truck sa apat na concrete barrier at poste ng kuryente.

Huminto lamang ang truck matapos maipit sa pagitan ng isang nakaparadang heavy equipment at pader ng ginagawang MRT-7.

Sa kabutihang palad, hindi tinamaan ang lalaking nagbabantay ng heavy equipment na nakatayo sa gilid ng pader.

“Nakatayo ako po diyan kanina tapos bigla na lang pumasok. Pumunta ako du’n sa likod, pinulot ko 'yung mga bato. Pasalamat po ako, hindi po ako nabangga,” sabi ng lalaking saksi, na nagbabantay ng heavy equipment.

Nabasag at tumalsik ang windshield ng truck at natumba rin ang mga barrier sa lakas ng impact. Bahagya ring tumagilid ang poste ng kuryente.

Tumilapon ang pahinante ng truck kaya nagtamo ng mga sugat sa ulo at binti. Ang driver naman, nagtamo ng mga sugat sa mga braso.

Dinala ang dalawa sa ospital.

Nanggaling ang truck sa Pampanga at kukuha sana ng graba sa Rizal.

Batay sa pahayag ng driver sa mga tumugong tauhan ng MMDA, nakaidlip umano siya habang nagmamaneho.

Bago mag- 5 a.m. naman nang dumating ang mga tauhan ng Meralco at naglagay ng suporta sa nakatagilid na poste ng kuryente.

Patuloy ang imbestigasyon ng QCPD Traffic Sector 5. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News