Pinagpapaliwanag ng Land Transportation Office (LTO) ang dalawang motorista na nagsapakan dahil sa gitgitan sa kalsada sa Cainta, Rizal.
Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Martes, mapanonood ang pagtumba ng isang lalaki matapos sapakin ng kaniyang kaalitang kapuwa motorista, na naagaw din ang hawak niyang baseball bat.
Dumistansiya na ang mga driver sa isa't isa ngunit muli silang nagsuntukan matapos marinig ang pang-aasar ng mga nanonood.
Hanggang sa mawalan ng malay ang isa sa kanila.
Ayon sa uploader, gitgitan sa kalsada ang ugat ng gulo.
Sinabi ng pulisya na nagkaayos na ang magkabilang panig at walang inihaing reklamo sa isa't isa.
Gayunman, pinagpapaliwanag ng LTO ang dalawang motorista dahil sa idinulot na traffic at sa bitbit na baseball bat ng isa sa kanila.
Batay pa sa imbestigasyon, paso o expired na ang rehistro ng isa sa mga sasakyan na dawit sa gulo.
Suspendido ang lisensiya ng dalawang driver. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
