Naghain ng panukalang batas si House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos, na naglalayong magkaroon ng batas para sa “no work, no pay” sa mga kongresista at senador, at iginiit na pagsasayang ng pera ng bayan ang hindi pagsipot sa trabaho ng mga mambabatas.

Nakapaloob ang panukala ni Marcos, anak ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa House Bill No. 7432 na inihain noong Enero 27.

Sa paliwanag ng panukala, sinabi ni Marcos, na isang pangkalahatang pamantayan sa sektor ng paggawa at ipinatutupad sa mga manggagawa sa Pilipinas ang prinsipyo ng “no work, no pay.”

“However, Members of Congress, who are entrusted with the responsibility of crafting laws and representing the people, are currently compensated regardless of attendance or participation,” dagdag nito.

"This has led to public concern over absenteeism, lack of accountability and wastage of taxpayer funds. This bill seeks to institutionalize a 'no work, no pay' compensation scheme for Members of Congress, ensuring that public funds are spent only when these elected officials fulfill their duties," patuloy sa panukala.

Ayon kay Marcos, sa pamamagitan ng pag-uugnay ng sahod at iba pang benepisyo sa pagdalo at pakikilahok sa mga sesyong plenaryo, pagdinig ng mga komite, at iba pang opisyal na gawain, maisusulong ang transparency, pananagutan, at integridad sa pamamahala.

Sa ilalim ng panukala, ang mga pagliban na walang sapat na dahilan ay magreresulta sa pagkawala ng kompensasyon ng isang mambabatas.

Nakasaad din sa panukala na dapat parusahan ang mga gawaing hindi naaayon sa tungkulin, gaya ng pamemeke ng attendance records o paghahain ng claim sa kompensasyon nang hindi ginagampanan ang opisyal na tungkulin.

Samantala, ang mga itinuturing may basehan na pagliban ang pagkakaroon ng sakit na may sertipikasyon mula sa lisensiyadong doktor, awtorisadong opisyal na representasyon, opisyal na biyahe o misyon na inaprubahan ng pamunuan ng Kamara o Senado, at mga aprubadong leave of absence.

Dagdag pa rito, inaatasan ng House Bill 7432 ang pagsasapubliko ng attendance records  upang mapalakas ang tiwala ng publiko at ang mekanismo ng pagbabantay.

Sinabi rin ni Congressman Marcos na ang kanyang panukala ay hindi discriminatory laban sa mga miyembro ng Kongreso.

"To the objection that this bill is probably unconstitutional, for selective discrimination against Members of Congress, hence, a class legislation, it must be remembered that no less than the 1987 Philippine Constitution itself provides for the statutory regulation of the official compensation for Members of Congress when it states in part, under Section 10 of Article 6, that 'the salaries of Senators and Members of the House of Representatives shall be determined by law," saad sa panukala/

"In passing this measure, Congress affirms its commitment to uphold the highest standards of public service and to ensure that elected representatives truly embody the principle of service to the people. In view of the foregoing, the enactment of this bill at the earliest is earnestly recommended," dagdag ng Ilocos Norte solon.— Llanesca T. Panti/Tina Panganiban Perez FRJ GMA Integrated News