Sugatan ang siyam na tao matapos mang-araro ng hindi bababa sa walong sasakyan ang isang pampasaherong bus sa Taft Avenue sa Ermita, Maynila nitong Martes ng gabi.

Nangyari ang insidente mag-aalas diyes ng gabi.

Sa kuha ng CCTV, makikitang nakatawid pa ang ilang mga tao at sasakyan na galing ng Pedro Gil Street.

Pero maya-maya lang ay inararo na ng bus ang mga sasakyan sa Taft Avenue.

Sa isa pang anggulo ng CCTV, makikita pa ang pagbagsak ng mga motorcycle rider na nadamay rin sa aksidente.

Ayon sa Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), hindi bababa sa walong sasakyan kabilang ang isang UV Express ang inararo ng bus.

Ayon sa isang saksi, may kabilisan ang takbo ng bus na biyaheng Alabang.

“Bumangga pa nga siya du'n sa isang poste ng LRT eh. Tapos nakita ko na lang, inararo niya 'yung ibang mga kotse pati 'yung mga motor...Marami talaga siyang nabangga, sir," kuwento ng saksing si Chax Louie Testa.

Ayon pa sa MDRRMO, umabot sa siyam na tao ang nasugatan na agad naman nabigyan ng paunang lunas.

Ayon sa company driver ng puting MPV na naging kalso pa ng bus, galing sila ng Binondo ng kanyang pasahero at papunta sana ng Pasay para magsundo pa.

Pero, nagulat na lang daw siya nang mapansin na sasakyan nila ang tumbok ng rumaragasang bus.

Hindi niya nga raw lubos akalain na makakaligtas pa sila sa nangyari.

“Hindi ko na naisip, sir, eh. Paglingon ko kasi, sir, andu'n na 'yung nguso ng bus du'n sa tapat ko, sir, eh. Napasigaw na lang ako ng 'Lord' eh,” ani Elie Sungahid.

Pero iniinda niya ngayon ang bukol sa ulo matapos tumama sa pinto ng sasakyan, habang ang kasama niya, nasugatan sa braso dahil sa mga basag na salamin.

Sabi ng mga awtoridad, masuwerte at hindi ganoon karami ang mga pasaherong sakay ng bus noong oras na maganap ang aksidente.

Ayon naman sa barangay, masuwerte at nakatawid na noon ang mga tao sa pedestrian lane at hindi na nadamay pa sa aksidente.

Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad na nagkaroon ng problema sa preno ang bus.

“Lagi naman dahilan eh nawalan ng preno... Sa mga bus driver, sana, lalo na sa area na 'yon, dapat medyo ma-slow brake na lang para makaiwas sa anumang aksidente," ani Kagawad Ariel Completo.

Nasa kustodiya na ng Manila District Traffic Enforcement Unit ng Manila Police District ang driver ng bus habang gumugulong ang imbestigasyon.

Posible siyang maharap sa reklamong reckless driving resulting to multiple physical injuries at multiple damage to property. —KG GMA Integrated News