Habang patuloy pa ring naglalaro si Alexandra “Alex” Eala sa Abu Dhabi Open, patuloy naman siyang hahataw sa Middle East sa susunod na linggo matapos siyang isama sa listahan ng mga maglalaro sa main draw ng Qatar Open.
Inanunsyo ng WTA nitong Miyerkules na kabilang si Eala sa 56-player singles draw, bilang kapalit ni Veronika Kudermetova, na umatras dahil sa injury.
Kasama niya sa listahan ng mga maglalaro ang mga Grand Slam champion na sina Iga Swiatek, Elena Rybakina, at Coco Gauff. Pati ang mga top contender na sina Amanda Anisimova at Mirra Andreeva.
Kasama rin sa draw ang ilan sa mga dati nang nakalaban ni Eala, tulad nina Victoria Mboko, Maya Joint, at Cristina Bucsa.
Isang WTA 1000 event ang Qatar Open na nag-aalok ng 1,000 ranking points sa kampeon at premyong $665,000.
Matapos ang Qatar Open, na gaganapin mula Pebrero 8 hanggang 14, inaasahang ipagpapatuloy ni Eala ang kaniyang Middle East swing sa Dubai Championships, isa ring WTA 1000 event, kung saan nakalista siya bilang qualifier..
Sa ginaganap na Abu Dhabi Open, pasok na si Eala sa quarterfinals kung saan makakaharap niya ang 31-anyos na Russian na si Ekaterina Alexandrova, at kasalukuyang No. 11 sa world rank sa Women’s Tennis Association (WTA).
Naging matunog ang simula ng taon ni Eala sa WTA Tour matapos siyang umabot sa semifinals ng ASB Classic bago maagang natanggal sa first round ng Australian Open.—FRJ GMA Integrated News

