Sumuko na sa mga awtoridad ang rider na sadyang bumunggo sa isang siklista sa Cainta, Rizal na nakaalitan niya sa daan. Pero isa pang rider ang inaalam ang pagkakakilanlan ngayon matapos na mahuli-cam na pinulot at ibinulsa niya ang nalaglag na cellphone ng biktima.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News 24 Oras nitong Martes, ipinakita ang mga tinamong sugat at pasa ng biktimang siklista na si Juan Miguel Simon, na bunga ng pagkakatumba niya sa bisikleta matapos banggain ng nakaalitang rider.

Sa naunang ulat, sinabi ni Simon na nasa bike lane siya nang businahan siya ng rider. Kinuhanan niya ng litrato ang rider gamit ang cellphone na dahilan para magalit ang suspek at binangga siya.

Natumba si Simon at natamaan ng isang tricycle na dahilan para mawalan siya ng malay.

Tumakas ang rider pero kinalaunan ay sumuko sa tanggapan ni Cainta Mayor Keith Nieto.

Ipinaliwanag umano ng rider sa mga pulis na marami siyang iniisip nang araw na mangyari ang insidente.

Nagmamadali rin umano ang rider dahil manghihiram siya ng pera sa kapatid dahil buntis ang kaniyang asawa na sumasakit ang tiyan nang araw na iyon.

Nagkaharap na ang rider at ang siklista at nagkaaregluhan na ang dalawa.

Ayon kay Simon, pumayag na siyang makipag-areglo dahil sa gastusin sa kaniyang pagpapagamot. Ipinapasagot din niya ang pinsala sa kaniyang bisikleta, at ang nawawala niyang cellphone.

Pero ang cellphone ni Simon na tumilapon sa kalsada, nakita sa CCTV camera na kinuha at ibinulsa ng isang rider at umalis.

Panawagan ni Simon sa naturang rider, ibalik na ang kaniyang cellphone.

Inaalam na ngayon ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng rider at makikipag-ugnayan sila sa Land Transportation Office.

Bago nito, naglabas din ng Show Cause Order ang LTO laban sa nakabanggang rider kay Simon.

Sa pahayag ng LTO, sinabing ilalagay sa alarm status ang naturang motorsiklo na sangkot sa insidente. Samantala, pansamantalang suspendido sa loob ng 90 araw ang lisensiya ng rider. – FRJ GMA Integrated News