Dalawang mambabatas mula sa Hilagang Luzon ang pinaghihinalaang utak sa likod ng multi-bilyong pisong ilegal na operasyon ng paggawa at bentahan ng sigarilyo, ayon kay Interior Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla nitong Huwebes.
Ito ay matapos na arestuhin ng mga awtoridad ang anim na Chinese at mailigtas ang 60 Pilipinong manggagawa sa isinagawang raid sa ilegal na pabrika ng sigarilyo sa Barangay Panipuan sa Mexico, Pampanga.
Ayon kay Remulla, nag-operate nang walang mga lisensya at permit ang planta sa buong buwan ng Enero 2026. Tinatayang umabot sa humigit-kumulang ₱4.5 bilyon ang halaga ng mga sigarilyong kanilang nagawa.
“We suspect there are two northern Luzon politicians behind it,” anang kalihim.
“The entire ecosystem, hawak nila ang entire ecosystem ng illegal tobacco…Basta, Luzon-based yung mga congressman na yun,” dagdag niya.
Sinabi ni Remulla na nakatanggap ng impormasyon ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na nagsimula ang operasyon noong Enero 1. Aniya, naitayo na ang makina noong Disyembre bago pa dumating ang mga Chinese.
Dagdag pa niya, biktima ng human trafficking ang mga Pilipinong manggagawa sa pagawaan.
Ayon sa DILG, pinilit ng mga employer ang mga biktima na magtrabaho nang walang sahod at sa ilalim ng hindi makataong mga kondisyon.
Sinabi rin ni Remulla, na walang piyansa ang mga kasong human trafficking at paglabag sa Anti-Agricultural Sabotage Act.
Kinilala ng DILG ang mga incorporator ng bodega na tatlong Pilipino at dalawang Koreano.
Ayon kay PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director Robert Morico II, nakapagpadala na sila ng subpoena sa isa sa mga Pilipinong incorporator.
Sa isang pahayag, sinabi ng PNP na nakakita sila ng pagkakahawig sa mga pekeng sigarilyong natagpuan sa Mexico, Pampanga, at sa mga naunang operasyon sa Balete, Batangas noong Disyembre 31, 2025, at sa Malabon noong Enero 1, 2026.
Ayon kay Remulla, nawawalan ang pamahalaan ng Pilipinas ng mahigit ₱30 bilyon sa excise taxes sa bawat taon dahil sa ilegal na kalakalan ng tabako.
“Yung P30 billion na ‘yan na excise tax, papunta sana sa healthcare system ng Pilipinas. So yung bawat sigarilyong ilegal na pumapasok dito, ay binabawas sa kalusugan ng mamamayan. Ang pera pong ‘yan ay dapat sa DOH hospitals,“ giit niya.– Darlene Cay/FRJ GMA Integrated News
