Isang estudyante na pangarap na maging pulis ang nasawi matapos siyang tamaan ng ligaw na bala sa habulan na nauwi umano sa shootout ng mga pulis at riding in tandem suspects sa Quezon City noong Linggo. Inaalam ngayon ng mga awtoridad kung sa bala ng pulis nagtapos ang buhay ng biktima.
Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabing nasa kustodiya na ng Quezon City Police District (QCPD) ang kanilang tauhan na kasama sa mga tumugis sa riding in tandem.
Pero ang riding in tandem suspects na may naunang itinumba na isang rider nang mangyari ang insidente, patuloy pa ring hinahanap ng mga awtoridad.
“Masakit din po sa akin kasi may pangarap po yung anak ko. Pangarap niya maging pulis,” malungkot na pahayag ni Jeffry Genovatin, ama ng nasawing 24-anyos na criminology student na si Iris John Genovatin.
Nagbibisikleta noong Linggo ng gabi si Iris John sa Quirino Highway nang dumaan ang naghahabulang mga pulis na sakay ng motorsiklo at ang riding in tandem suspects, na naunang may binaril at pinatay na rider sa Novaliches.
“‘Yung mga suspek po na nakamotor hinahabol po eh, ang humabol pulis po. Sobrang tulin po, siguro mga 100 plus ‘yung takbo, mga ganoon ang bilis nila,” ayon sa saksi na si “Arnold.”
“..’yung pagdaan po ng ano, mga pulis at hinahabol na motor, pinutukan nila ‘yung nakamotor, sumablay po. Akala namin matatamaan [yung] motor, kaso natagusan ‘yung siklista [Iris John], tinamaan sa paa, naabutan namin humihingi siya ng tulong kaya nag-offer kami ng tulong,” dagdag niya.
Bumuo na ang QCPD ng special investigation team para imbestigahan ang nangyari at alamin kung sino ang nakabaril sa estudyante.
Nagbigay na rin ng pahayag ang limang pulis na sangkot sa insidente at isa sa kanila ang inalis na muna sa puwesto habang isinasagawa ang imbestigasyon.
“Nung hinahabol daw po nila ito, eh nagpaputok daw itong mga suspek kaya gumanti daw lang po sila ng putok,” ayon kay Novaliches Police station commander Police Lt. Colonel Michael John Villanueva.
Aalamin din ng mga awtoridad kung may nilabag na police operational procedure ang kanilang mga tauhan.
“Kasi sa pagkakaalam ko, ‘pagka nasa moving vehicle hindi ka puwedeng magpaputok ng baril,” ani Villanueva.
Desidido naman ang pamilya ni Iris John na magsampa ng kaso laban sa kung sino man ang nakabaril sa estudyante.
“Ang gusto ko po talagang mangyari ay yung magkaroon ng hustisya yung anak ko,” ani Edna Genovatin, ina ni Iris John.
Humiling daw siya ng malinaw na kopya ng CCTV footage kaugnay sa nangyaring insidente upang mapanagot ang dapat managot.
Sinabi naman ni Villanueva na ipinangako ng QCPD na bibigyan nila ng patas na imbestigasyon ang nangyari sa biktima, at handa silang parusahan ang kanilang tauhan kung mapapatunayang nagkasala.—FRJ GMA Integrated News
